Masayang-masaya ang gurong si Teacher Melanie Figueroa matapos niyang mapag-alamang ang isa sa mga pinakaunang recipient ng kaniyang "Laptop para sa Pangarap" na si Chrisken Sumili ay isa nang ganap na lisensyadong engineer, matapos makapasa sa Engineering Licensure Examination.
Matatandaang minsan nang naitampok sa Balita si Chrisken at ang proyekto ni Teacher Melanie mula sa Iligan City, Lanao Del Norte, at nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan sa Hinaplanon National High School.
MAKI-BALITA: Ang ‘Laptop para sa Pangarap’ ni Ma’am Melanie Figueroa ng Iligan
Naging viral noon ang kaniyang Facebook post kung saan binigyan niya ng sariling laptop ang isa sa mga mag-aaral niyang si Chrisken upang magamit nito sa online class, sa kasagsagan ng pandemya.
Makalipas ang ilang taon, naka-graduate sa kolehiyo si Chrisken, at ngayon, isa na ngang ganap na licensed engineer!
"Wooww, Congratulations again Engr. Kriskeyn Sumili! Goodluck on your next endeavors. As they say, this is not the end but a start of a new beginning. God bless you ken," mababasa sa congratulatory post ni Teacher Melanie, kalakip ang shared post ni Chrisken.
Isa naman sa mga pinasalamatan ni Engr. Chrisken si Teacher Melanie sa kaniyang appreciation post.
"To maam Melanie Reyes Figueroa, thank you maam sugod palang atong laptop era," aniya.
Bagama't review pa lamang daw ay gusto nang sumuko ni Chrisken, napagtagumpayan naman niya ito at ngayon nga, isa nang ganap na engineer.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Melanie, sinabi niyang masayang-masaya siya sa narating ni Chrisken, na ilan lamang sa kaniyang mga natulungan, sa pagpapatuloy ng kaniyang adbokasiya.
Noong Pebrero 2024, ang kauna-unahang recipient niya na si Dennis Balagbis ay nagtapos bilang "Cum Laude" sa degree program na "Bachelor of Science in Electrical Engineering" sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology.
MAKI-BALITA: Unang recipient ng 'Laptop para sa Pangarap,' cum laude graduate