Nagpasalamat si Senador Risa Hontiveros sa mga natanggap niyang mensahe ng suporta matapos ang naging pagdinig ng Senado hinggil sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Maraming salamat po sa mga messages of support! They mean a lot,” ani Hontiveros sa isang X post nitong Martes, Oktubre 29.
“Let’s extend this support to the victim-survivors of Duterte’s drug war— sa mga lolo, lola, magulang, asawa o partner, anak, kapatid, at kaibigan na naiwan at patuloy na naghahanap pa ng hustisya. Laban! ,” saad pa niya.
Nitong Lunes, Oktubre 28, nang isagawa ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang imbestigasyon sa nasabing war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa gitna ng pagdinig ay binigyang-diin ni Hontiveros ang muli niyang pagkondena sa Oplan Tokhan habang nakaharap mismo ang dating pangulo.
MAKI-BALITA: Sen. Risa habang kaharap si Ex-Pres. Duterte: ‘There is no honor in punishment like tokhang!’
Ilang beses ding nagkasagutan sina Hontiveros at Duterte sa pagdinig, kung saan humingi ng tawad ang dating pangulo sa naging “character” daw niya habang binabanggit na “sensitive” umano ang senadora.
“I would like to express my apologies, especially to Senator Hontiveros, kasi sensitive... 'Yung character ko po ganó'n talaga. Maski saan mo ako ilagay ganoon na, even in front of anybody. Ganoon talaga ako. Bastos ako, walang-hiya ako kasi galing ako sa baba,” ani Duterte, na tila pinatutungkulan ang mga naunang pagmumura niya sa pagdinig na ilang beses sinaway ni Hontiveros.
Sinagot naman ito ni Hontiveros ng: “Hindi ako sensitive, ayoko ko lang talaga ng bastos. Ayaw ko ng walang-hiya lalo na pinag-uusapan natin ang seryosong bagay ng war on drugs at saka extrajudicial killings.”
MAKI-BALITA: Hontiveros, inalmahan sinabi ni Duterte na ‘sensitive’ siya: ‘Ayoko lang talaga ng bastos’