November 24, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Mangyan na nagbebenta ng mga laruang yari sa binasurang tsinelas, hinangaan

Mangyan na nagbebenta ng mga laruang yari sa binasurang tsinelas, hinangaan

Kinalugdan ng mga netizen ang lalaking katutubong Mangyan, na nagtitiyagang mangalakal ng mga sirang tsinelas upang gawing laruan, at maipagpalit sa pera pambili ng kaniyang mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa Facebook post ng blogger na si "The Good Mangyan," nakilala raw nila ang nabanggit na Mangyan na naglalako ng mga tinuyong gabi at laruang gawa sa tsinelas.

"Isang Katutubong Mangyan ang aming Nakilala habang siya ay naglalako ng kanyang panindang Tinuyo na Gabi at Laruan na gawa sa sa mga Lumang Tsinelas, aniya galing sya sa Tambakan ng Basurahan upang maghanap ng mga Lumang Tsinelas para makagawa siya ng kanyang mga Obrang Laruan na kanyang maipapalit sa Bigas," mababasa sa post.

Tatlong oras daw ang inilalaan ng nabanggit na Mangyan sa paglalakad para makarating sa tambakan ng basurahan kung saan makukuha ang mga tsinelas na itinapon na.

Human-Interest

10 anak napag-aral sa kolehiyo ng mga magulang sa pagtitinda ng fishball, balut

"Sa kanyang kwento ay halos 3 oras siya naglalakad para makarating lamang sa Tambakan ng Basurahan, kasabay na din ang paglalako ng Tinuyong gabi na gawa ng kanyang Magulang upang may maipambili sila ng Bigas at may maipambaon sa Pagpasok ang kanyang mga Kapatid..." kuwento ng blogger.

Ngunit nakalulungkot daw na madalang lamang ang mga bumibili at nagkaka-interes sa kaniyang mga ipinagbibiling laruan.

Kaya naman, nanawagan ang mga netizen sa comment section na sana raw, suportahan ang mga kagaya ng nabanggit na Mangyan, na sa kabila ng hirap ng buhay ay lumalaban nang patas.

"makapag aral sana sya may talinto ang bata"

"Good job idol, God bless"

"Nakaka believe ang mga kapatid nating mangyan napaka malikhain ng isip Pwede ko bang bilhin mga gawa nya sir?"

"Galing naman po Niya. Naniniwala ako na may future siya. Masipag, mapagmahal sa magulang Kasi tumutulong sa magulang at Kapatid at may angking talino na Biyaya ng Diyos. Pagpalain ka at iTong vlogger."

"saludo po ako sa creativity po ninyo kuya"

"sana may susuporta sa kanya deserve nya makapag aral ,kase nagpursigi"

"kahanga hanga ang tulad niya"

"Ang galing niya!"

"Very creative mind. Sana may mag-invest para sa kaniya, baka may mga kaya pa siyang gawin."

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa blogger, ang nabanggit na Mangyan ay nakilala nilang si Jupel Bato-Bato, 22-anyos.

Si Jupel ay naninirahan sa Dulangan, Baco, Oriental Mindoro, na mula sa tribong Alangan.

Hangad daw ng blogger na sana ay matulungan si Jupel na maitampok at maipagbili ang kaniyang mga obra maestra para makatulong sa kaniyang pamilya.

Nag-iwan din siya ng contact details ni Jupel kung sakaling may mga nagnanais na magpaabot ng tulong, mamuhunan, o bilhin ang kaniyang mga obra.


GCash
09517399153
Kelvin Red