Usap-usapan ang huling Facebook post ng dating aktor na si John Wayne Sace, na iniuugnay ng mga netizen sa pagdampot sa kaniya ng mga pulis, kaugnay sa kinasasangkutang krimen.
Dinakip ng mga pulis-Pasig City ang dating artista na pangunahing suspek sa umano'y pamamaril sa kaniyang kaibigan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "Balitanghali" ng GTV, sinabi niyang inaresto ng mga awtoridad ang dating ABS-CBN actor matapos daw barilin ang kaibigang si Julina Eugenio sa Barangay Sagad, Pasig City, 7:30 ng gabi nitong Lunes, Oktubre 28.
Apat na tama ng bala mula sa kalibre 45 baril ang kumitil umano sa buhay ng biktima, at ilang oras matapos ang krimen, nagkaroon ng lead ang pulisya kung sino ang posibleng suspek. Nasukol umano si Sace sa isang hotel malapit sa sentro ng Pasig.
Mula sa detention cell ng Pasig City, inilipat umano si Sace sa Eastern Police District SOCO para isailalim sa paraffin test, upang malaman kung gumamit ba siya ng baril. Na-recover umano mula sa kaniya ang kalibre 45 baril na posible umanong ginamit sa pamamaslang.
Sinubukan umanong hingan ng panig si Sace kung ano ang posibleng motibo sa nabanggit na krimen, subalit ayon sa mga imbestigador, matagal na raw may alitan sina Sace at ang biktima.
Kung titingnan naman ang huling Facebook post ni Sace, tila may pahiwatig ito ng kaniyang pagkakaroon ng kaaway.
Mababasa rin sa post na tila may kinalaman sa pagtutulak ang droga ang kaniyang pinatutungkulan, at pinagbantaan pa raw siyang papatayin ang kaniyang pamilya.
"Nagtutulak kayo ng droga ng palihim Diba? Yun mga Buhay na sinira nyo? May kalaban laban ba? Yung mga ninakawan nyo? Meron? Wag kayo pavictim.." mababasa sa post, na ngayon ay hindi na mahagilap.
"Ilang beses nyo na ko pinagplanuhan katulad kagabi???Ha Diba? Pag umalis ako papatayin nyo pamilya ko..hayopp kayo."
Sinasabing nakapag-post pa siya bago siya masukol ng mga awtoridad.
Samantala, wala pang update kung ano ang isasampang kaso ng pamilya ng biktima laban kay Sace.
KAUGNAY NA BALITA: Dating aktor na si John Wayne Sace arestado; suspek sa pagpaslang sa Pasig