Pinasalamatan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-implementa nito sa giyera kontra droga sa bansa dahil ito raw ang dahilan kaya siya naging senador.
Sinabi ito ni Dela Rosa sa gitna ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil mismo sa nasabing war on drugs ng administrasyong Duterte nitong Lunes, Oktubre 28.
“I would like to thank you, Mr. President, for your war on drugs. If there was no war on drugs, there is no Senator Bato,” ani Dela Rosa.
“Maraming salamat po doon sa opportunity na binigay mo sa akin na maging chief
PNP (Philippine National Police), at ako'y naging senador ngayon dahil doon sa war on drugs. Maraming salamat,” saad pa niya.
Bago mahalal na senador noong 2019, si Dela Rosa ang unang naging hepe ng PNP nang simulang iimplementa ng administrasyon ni Duterte ang giyera kontra droga sa bansa noong 2016.
Kaugnay nito, matatandaang noong Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno