November 22, 2024

Home SHOWBIZ Pelikula

Darryl Yap, gagawa ng pelikula tungkol sa 'rapists ni Pepsi Paloma?'

Darryl Yap, gagawa ng pelikula tungkol sa 'rapists ni Pepsi Paloma?'
Photo courtesy: Darryl Yap (FB)

Usap-usapan ang Facebook post ng direktor na si Darryl Yap, matapos niyang ibahagi ang balak niyang gawing pelikula sa 2025.

Aniya, gagawa umano siya ng isang pelikula patungkol sa pumanaw na sexy star na si Pepsi Paloma o Delia Dueñas Smith sa tunay na buhay, na sumikat noong 80s, at naging kontrobersiyal ang pagkamatay.

"ang aking kababayan na si Pepsi Paloma, Olongapeña, Artista, Biktima. sa darating na 2025, bago sumapit ang ika-40 anibersayo ng kanyang kontrobersyal na pagpapatiwakal—Kilalanin natin ang Anino, ang Multo, ang Alingasgas ng kanyang Pagkatao. Ang Aking ika-17 Pelikula: THE RAPISTS OF PEPSI PALOMA," mababasa sa post ng direktor.

Photo courtesy: Screenshot from Darryl Yap (FB)

Kalakip ng post ang throwback photo ni Pepsi, black and white, at ang lapida niya.

Pelikula

Pelikula nina Zanjoe, Daniel made-delay?

Photo courtesy: Darryl Yap (FB)

Kontrobersiyal ang pagkamatay ni Pepsi dahil sa isyu ng umano'y pagkitil sa sarili matapos makaranas daw ng panggagahasa.

ANG KONTROBERSIYA SA PAGKAMATAY NI PEPSI PALOMA

39 taon o lagpas tatlong dekada na ang nakalilipas, patuloy pa ring napag-uusapan ang hindi pa "saradong" intriga sa pagkamatay ng nabanggit na sexy star, na ang screen name ay halaw sa pangalan ng isang kilalang softdrinks brand, na nauso noong mga panahong iyon.

Ginugunita ang pagkamatay ni Pepsi tuwing Mayo 31. Natagpuan siyang patay sa kaniyang sariling bahay sa Quezon City noong Mayo 31, 1985, sa gulang na 18.

Nasangkot dito ang mga pangalan ng "Eat Bulaga!" hosts na sina Vic Sotto, Joey De Leon, at pumanaw na komedyanteng si Richie D'Horsie, subalit kalaunan, iniurong din mismo ni Pepsi ang demanda. Samakatwid, nalinis ang pangalan nila. 

Sa isang panayam naman kay Tito Sotto III sa programa ni Tina Monzon-Palma sa ABS-CBN News Channel noon, tahasang sinabi ni Sotto na pekeng balita ang mga kumalat patungkol sa kaniyang kapatid gayundin kina Joey at Richie.

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP na inilathala noong Mayo 31, 2023, para sa anibersaryo ng kamatayan ng sexy star, iniulat nila na nagulat umano ang taumbayan ng sinabi ni Pepsi noon na wala umanong pagkakasala ang mga nabanggit na personalidad sa kaniyang naunang bintang. 

"Walang pagkakasala ang mga nakademanda, at ako’y pinilit lamang ng mga taong may pagnanais na kumita sa pamamagitan ng maling publisidad," pahayag daw ng sexy star.

Sa pahayagang "Tempo" na sister newspaper ng Manila Bulletin at Balita, mababasa ang headline na "No Rape Says, Pepsi Withdraws Case Against TV hosts."

Nailathala ito noong Setyembre 29, 1982. 

Photo courtesy: via PEP

Pagkatapos nito, makalipas ang halos tatlong taon, pumutok na nga ang balita patungkol sa umano'y ginawa ni Pepsi sa kaniyang sarili, na dulot umano ng depresyon.