Sinita ni Senador Risa Hontiveros si Senador Jinggoy Estrada matapos matawa ng huli matapos tanungin si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung nagpapansinan ba sila ni dating Senador Leila de Lima.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte nitong Lunes, Oktubre 28, unang tinanong ni Estrada kay Duterte ang tungkol sa relasyon nila ng halos katabi niya sa kaliwa na si De Lima.
“Mr. President, kanina pa ho kayo tingin nang tingin sa amin, lagi kayong tumitingin sa kanan. Hindi ho kayo tumitingin sa kaliwa,” pangiti-ngiting tanong ni Estrada. “Nagpapansinan ba ho kayo ni [dating] Senador De Lima?”
“Wala namang maganda diyan, dito lang,” sagot naman ni Duterte sabay turo sa kanan niya.
Samantala, sinita ni Hontiveros ang nasabing pagtatanong ni Estrada at sinabing hindi umano “laughing matter” ang nasabing Senate hearing.
“I beg the SP pro tempore to lead us in setting the tone that this is not a laughing matter,” giit ni Hontiveros.
“I was not joking, I was just—para ma-lighten lang ‘yung mood,” paliwanag naman ni Estrada, saka nagseryoso na sa kaniyang pagtatanong sa dating pangulo.
Ang kasalukuyang isinasagawang pagdinig ng Senado ang unang beses na haharap ang dating pangulo hinggil sa imbestigasyon ng giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
Matatandaang hindi nakadalo si Duterte sa pagdinig ng Kamara noong Oktubre 22 dahil daw masama ang kaniyang pakiramdam.
KAUGNAY NA BALITA: De Lima, dumalo sa ‘drug war’ hearing; hiniling paggaling ni FPRRD
Noon lamang namang Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno