Ikaw ba ay isang certified movie buff? Gusto mo bang i-relive ang good old days ng panonood ng classic movies o series at pasayahin ang iyong inner child? Kung oo, ito na ang sign mo para pasukin ang kauna-unahan at pinakamalaking science pop culture collectible museum sa Pilipinas—ang Omniverse Museum.
Matatagpuan sa Makati City, nananahan sa Omniverse Museum ang mahigit 5,000 original movie artifacts, props, at collectibles mula sa iba’t ibang pop culture franchises tulad ng Star Wars, Harry Potter, DC, Marvel, Game of Thrones, at marami pang iba pa.
Sa tinatayang dalawang oras na pag-iikot sa museum, hindi lamang mabubusog ang iyong mga mata sa life-sized statues ng paboritong characters o superheroes, kundi mag-eenjoy ka rin sa Science activities at matututo ng mahahalagang bagay na may kaugnayan sa paborito mong movies at series.
ANG SIMULA NG PAGTATAYO NG IBA’T IBANG UNIBERSO
Tulad ng pagbuo ng magandang pelikula o serye at paglikha ng matitikas na superheroes, hindi parang “isang snap lang ng daliri” ang pagtatayo ng Omniverse Museum. Nagmula rin ito sa ilang taong pangangarap at pagsusumikap.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa may-ari ng museo at businessman na si Ryan Sison, 41, ibinahagi niyang bata pa lamang siya ay gustong-gusto na niyang magtayo ng museo dahil sa hilig niya sa panonood ng movies at TV shows, pagbabasa ng mga komiks, hanggang sa pagkolekta replica ng paborito niyang characters mula sa mga ito.
Dahil na rin daw sa kaniyang mga negosyong tulad ng restaurants, naisakatuparan niya ang pagbuo ng collections at hanggang sa wakas ay nabuksan na rin ang pinapangarap niyang museum noong Marso 8, 2023.
“Ang museo na ito ay matagal ko nang pangarap and I am blessed na I was able to achieve it, na maibahagi ko ang aking passion sa lahat na hindi lang entertainment but educational din. Ika nga, ‘edu-tainment’,” ani Sison.
“Halos lahat ng nasa loob ng aking museum ay may sentimental value at napamahal na sa ‘kin. Ikinagagalak kong ibahagi ito sa lahat ng tatangkilik,” dagdag niya.
“Omniverse” daw ang naisip nilang pangalan ng museo dahil sa pinagsamang “omni” na ang ibig sabihin ay “all” at “universe.” Sumasalamin ito sa kanilang misyon na iparamdam sa kanilang mga bisita na kapag pinasok nila ang bawat pinto ng museum, mararating nila ang lahat ng iba’t ibang uri ng universe mula sa larangan ng pelikula at serye.
PAGPASOK SA BAWAT PINTO NG OMNIVERSE
Dahil sa lawak ng museo, tinatayang dalawang oras ang aabutin upang malibot ito. Mayroon din silang tour guide na magpapaliwanag ng mga detalye ng replicas at kagamitang matatagpuan dito.
Tulad ng kanilang misyon, bawat pagbukas sa mga pinto ay tila ibang “universe” ang mapupuntahan na napalilibutan ng life-sized statues ng fictional characters at maging ng mga nakolekta ni Sison na ginamit at isinuot sa mismong movies.
Halimbawa na lamang sa kagamitang nasa mismong pelikula ay ang Millennium Falcon sa Star Wars na ginamit mismo sa Episode V: The Empire Strike Back ng movie. Nilagdaan din ito mismo ni American Actor Harrison Ford noong 2006.
Makikita rin dito ang mismong costume na ginamit ni Kris Evans bilang Captain America sa Civil War ng Marvel, ang batsuit na ginamit ni Ben Affleck bilang Batman sa Batman vs Superman, at ang ginamit ni Henry Cavill bilang Superman sa Man of Steel ng DC.
Pagbabahagi ni Sison, talagang ginagastusan niya ang mga nakokolektang artifacts. Sa katunayan, aniya, hindi na niya nabilang kung magkano ang lahat ng kaniyang nagastos sa mga ito. Tuloy-tuloy pa rin daw siya sa pagkolekta para na rin sa plano niyang expansion ng Omniverse.
“Ang isa sa pinakamahal na naka-display ngayon ay ang Hulkbuster na life-sized statue. Sa sobrang laki nito, added cost din ang shipping and packing syempre,” aniya.
Ipinakita rin sa museum ang talento ng mga Pinoy tulad ng mga nagawa ng local artists na Iron Throne ng kilalang series na Game of Thrones. Maaari itong upuan ng mga bisita para mas ma-experience ang serye habang katabi ang replica ng dragon na anak ng karakter na si Daenerys Targaryen.
Samantala, bukod sa pagpapa-picture sa life-sized replicas ng paboritong heroes o characters mula sa iba’t ibang “universe,” patok sa museo ang kanilang props tulad ng sorting hat at broomstick na maaaring isuot o sakyan para tila mag-transform na wizard o witch habang nasa taas nila ang candles floating sa Harry Potter.
PAGSASAMA NG FICTION AT SCIENCE
Hindi lamang pambusog sa mata mula sa mga paboritong fictional character ang inihain sa museum. Mayroon din silang inihandang infographics na nakapaskil sa bawat universe at maging ng Science fun activities tulad ng carbon coalescence, dynamic sands, zoomscope, word weaver, at ang tesla coil na sinamahan ng advance technologies. Konektado ang bawat infographic at activity sa concept ng bawat movie.
Ani Sison, naisipan nilang pagsamahin ang kaniyang collections at ang Science activities dahil na rin sa konsepto ng karamihan sa mga pelikula.
“May Science behind most movies, like Star Wars, tungkol ito sa alien life and starships and interstellar travel, kasama na rin ang weapon, superpowers, gears, etc. ng ating favorite superhero characters,” saad niya.
Sa lahat ng kanilang effort upang pagandahin ang Omniverse, pakiramdam ni Sison ay naging matagumpay sila dahil patok ito lalo na raw sa mga estudyante at sa mga tulad niyang collectors at movie buffs.
“Please visit the Omniverse Museum. Sigurado akong para itong adventure into many different universes and worlds. Kayo ay mamangha at matututo tungkol sa science technology engineering and math, bukod sa makikita ninyo ang inyong mga favorite superheroes, famous characters pati na din ang kanilang mga weapons, vehicles at iba pa,” saad ni Sison.
Matatagpuan ang Omniverse Museum sa 4th floor of Glorietta (Japan Town) sa Makati City. Bukas ang mula 10 AM hanggang 9 PM tuwing Lunes hanggang Biyernes, at mula 10 AM hanggang 10 PM tuwing Sabado at Linggo. Mayroon itong entrance fee na ₱1,499.
Para sa mga nais bumisita, maaari silang kontakin sa kanilang Facebook page: https://www.facebook.com/omniversemuseum