Naibaba na mula sa kisame ng bubong ang kabaong ng isang lolang namayapa at pinaglalamayan sa isang bayan sa Naga City, Camarines Sur, matapos humupa ang baha sa loob ng kanilang bahay, na dulot ng pananalasa ng bagyong Kristine sa nagdaang linggo.
Ayon sa Facebook post ni Danice Audrey Abante, pumanaw ang kaniyang lolang si Elizabeth Abante sa gulang na 75 dahil sa sakit sa puso noong Oktubre 21.
Nagkataon namang nanalasa ang bagyong Kristine sa nabanggit sa Bicol Region, at nakaranas ang kanilang lugar ng pagbaha.
Kaya wala na raw silang mapamilian kundi itaas na lamang ang kabaong para sa lamay ng lola.
"Mayung ibang choice, la sana naiintindahan mo. Hanggang sa huring paghali mo, nasasakitan kapa. (Wala nang ibang choice, sana naiintindihan mo. Hanggang sa huli mong pag-alis, nasasaktan ka pa)," aniya.
"Dawa improvise lang higdaan kang lolo, aantabayan ka niya daa. Pakatatag ka lo. Yaun kami. (Kahit improvised lang ang higaan ni lolo, aantabayanan ka niya daw. Pakatatag ka, Lo. Nandito kami. ).
MAKI-BALITA: Kabaong, itinaas na lang para iwas-baha: 'Wala na ibang choice...'
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Danice, bumaba na raw ang baha kaya naibaba na nila ang kabaong ng lola.
Inilagay na lamang nila sa isang patungang kahoy ang kabaong upang kahit paano ay may makasilay sa kanilang lola.
Wala pa raw silang petsa ng libing dahil hindi pa raw nakukuha ang death certificate ng lola dahil sa bagyo.
Makikita naman sa mga sumunod niyang posts na naibaba na nga nila ang kabaong ng kanilang mahal na lola, upang mas mabigyan ito ng marangal at disenteng libing.
Ang inaalala raw ni Danice ay ang kanilang lolo na mister ng kanilang namayapang lola, kaya lagi raw nila itong kinukumusta.
Bukod kasi sa kanilang iniisip na gagastusin sa burol at libing, problema rin nila ang mga nasirang pananim dahil sa matinding pinsalang dulot ng bagyo at baha, batay sa kaniyang Facebook post.
Para sa mga nagnanais magpaabot ng abuloy o tulong pinansiyal, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa Messenger ni Danice o ipadala sa sumusunod:
09922331866
John Carlo A.
GCash