December 27, 2024

Home BALITA National

Hontiveros, inalmahan sinabi ni Duterte na ‘sensitive’ siya: ‘Ayoko lang talaga ng bastos’

Hontiveros, inalmahan sinabi ni Duterte na ‘sensitive’ siya: ‘Ayoko lang talaga ng bastos’
Sen. Risa Hontiveros (Senate/Youtube screengrab); Ex-Pres. Rodrigo Duterte (Mark Balmores/MB)

“Hindi ako sensitive, ayoko ko lang talaga ng bastos.”

Ito ang sagot ni Senador Risa Hontiveros sa paghingi ng tawad sa kaniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa ipinakita raw niyang “character” sa pagdinig ng Senado hinggil sa madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon nitong Lunes, Oktubre 28.

“I would like to express my apologies, especially to Senator Hontiveros, kasi sensitive... 'Yung character ko po ganó'n talaga. Maski saan mo ako ilagay ganoon na, even in front of anybody,” ani Duterte, na tila pinatutungkulan ang mga naunang pagmumura niya sa pagdinig na ilang beses sinaway ni Hontiveros.

“Ganoon talaga ako. Bastos ako, walang-hiya ako kasi galing ako sa baba,” dagdag ng dating pangulo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sagot naman ni Hontiveros, hindi raw siya “sensitive,” bagkus ay ayaw lamang daw niya ng “bastos” at “walang-hiya.”

“Hindi ako sensitive, ayoko ko lang talaga ng bastos. Ayaw ko ng walang-hiya lalo na pinag-uusapan natin ang seryosong bagay ng war on drugs at saka extrajudicial killings,” saad ni Hontiveros.

Muling sumagot ang dating pangulo at sinabing: “Ako bastos, Ma’am. Walang-hiya talaga ako. ‘Yan ang totoo. Siguro hindi ako darating dito sa pagka-presidente kung hindi ako bastos at hindi ako walang-hiya.”

Sinabi rin ng dating pangulo na ipinapakita lamang umano niya ang kaniyang galit sa kriminalidad lalo na raw sa ilegal na droga.

Ang kasalukuyang isinasagawang pagdinig ng Senado ang unang beses na humarap si Duterte hinggil sa imbestigasyon ng giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.

Matatandaang hindi nakadalo si Duterte sa pagdinig ng Kamara noong Oktubre 22 dahil daw masama ang kaniyang pakiramdam.

KAUGNAY NA BALITA: De Lima, dumalo sa ‘drug war’ hearing; hiniling paggaling ni FPRRD

Noon lamang namang Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno