“Ako ang managot at ako ang makulong…”
Ipinahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag daw dapat panagutin ang mga pulis na naging sangkot sa madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon dahil sumunod lamang umano ang mga ito sa kaniyang utos.
Sa kaniyang opening statement, sinabi ni Duterte na inaako niya ang “full legal responsibility” hinggil sa mga tagumpay at kabiguan ng war on drugs ng kaniyang administrasyon.
“For all of its successes and shortcomings, I, and I alone, take full legal responsibility sa lahat ng nagawa ng mga pulis pursuant to my order,” ani Duterte.
“Ako ang managot at ako ang makulong, huwag ‘yong pulis na sumunod sa order ko, kawawa naman, nagtatrabaho lang,” saad pa niya.
Samantala, sa naturang pahayag ng dating pangulo ay isinalaysay rin niya ang kaniya raw naging utos sa mga pulis noong siya ay isang propesor sa isang police academy.
MAKI-BALITA: Utos ni Ex-Pres. Duterte sa mga pulis: 'Barilin mo sa ulo...'
Sinabi rin niyang hindi siya hihingi ng tawad sa naging implementasyon niya sa war on drugs dahil ginawa lamang umano niya ito para sa Pilipinas.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, ‘di hihingi ng tawad hinggil sa drug war: ‘I did it for my country!’
Si Duterte ang naging pangulo ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022.
Matatandaang noong Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno