Iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya hihingi ng tawad hinggil sa implementasyon ng war on drugs sa kaniyang administrasyon dahil ginawa lamang umano niya ito para sa Pilipinas.
Nitong Lunes ng umaga, Oktubre 28, nang dumating si Duterte sa Senado para sa dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
MAKI-BALITA: ‘Walang problema!’ Ex-Pres. Duterte, dumalo sa Senate hearing hinggil sa drug war
Sa kaniyang opening statement, sinabi ni Duterte na mandato niya bilang pangulo ng bansa ang protektahan ang mga Pilipino, kaya’t hindi raw siya hihingi ng tawad sa ipinatupad niyang mga polisiya habang nasa puwesto.
“My mandate as president of the republic was to protect the country and the Filipino people. Do not question my policies, because I offer no apologies, no excuses. I did what I had to do. And whether you believe it or not, I did it for my country,” giit ni Duterte.
“The war on illegal drugs is not about killing people. It is about protecting the innocent and the defenseless,” saad pa niya.
Si Duterte ang naging pangulo ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022.
Samantala, matatandaang noong Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno