January 23, 2025

Home BALITA National

Duterte pinangalanan si Dela Rosa na kabilang sa 'Death squad'

Duterte pinangalanan si Dela Rosa na kabilang sa 'Death squad'
Photo Courtesy: Screenshots from Senate of the Philippines (YT)

Pinangalanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa bilang isa umano sa mga miyembro ng “death squad” sa ginanap na pagdinig hinggil sa isyu ng giyera kontra ilegal na droga sa senado, Lunes, Oktubre 28.

Sa nasabing pagdinig, napag-usapan ang tungkol sa kontrobersiyal na Davao Death Squad (DDS) na inimbestigahan noon ni dating Commission on Human Rights chair Atty. Leila De Lima sa panahon ng panunungkulan nito sa nasabing ahensya.

“Lahat itong nasa right side ko, dumaan ito ng chief of police, police of director. Puro commander ng death squad ‘yan,” saad ni Duterte.

“I thought there was no existence of [death squad]?” natatawang singit ni Senador Jinggoy Estrada.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Trabaho ng pulis ‘yan,” mabilis na sagot ni Duterte. “Literal hindi mo sasabihing death squad. ‘Yang isang senador, ‘yang nakaupong ‘yan. Si Senador Bato Dela Rosa, death squad din ‘yan. Because they were police directors handling [and] controlling crimes in the city.”

Dagdag pa ng dating pangulo: “Kapag sinabi mong ‘death squad,’ it is a very loose term. Lahat ‘yan sila. Si Danao [former PNP Chief Vicente Danao], ayan o. Nagdadasal sa kasalanan niya siguro.”

Hinamon pa ni Duterte ang mga nasa hearing na tanungin sina Dela Rosa, Danao, at sa iba pa kung nag-utos ba siya sa mga ito na pumatay ng mga taong nakatali ang kamay at paa.

Aniya, “Ang sinabi ko, ganito. Prangkahan tayo. Encourage the criminals to fight. Encourage them to draw their guns. [...] ‘Yan ang instruction ko. Encourage them lumaban. Pagka lumaban, patayin ninyo para matapos na ang problema ko sa siyudad ko.”

“No’ng presidente ako, gano’n din sa command conference dyan sa Malacañang,” dugtong pa niya.

Ayon sa nakarating umanong mga ulat kay De Lima, ang Davao Death Squad ay isang umanong grupo ng mga assassin at ang ilan sa mga ito ay bahagi raw ng Davao City Police Office.