Itinaas na sa Signal No. 1 ang tatlong mga lugar sa Luzon dahil sa bagyong Leon na bahagya pang lumakas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes ng umaga, Oktubre 28.
Sa update 5 AM update ng PAGASA, huling namataan ang Tropical Storm Leon 840 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 105 kilometers per hour.
Kumikilos pa rin ang bagyo pakanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas na ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar sa Luzon:
Eastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Santa Teresita, Gonzaga, Peñablanca)
Eastern portion ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Ilagan City, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Palanan, San Mariano, Dinapigue)
Northeastern portion ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga)
Inaasahang unti-unti pang lalakas ang bagyo sa susunod na 24 oras at aabot sa “severe tropical storm” category mamayang tanghali.