Posibleng magtaas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan Valley at Bicol Region ngayong Linggo ng gabi, Oktubre 27, dahil sa bagyong Leon.
Sa update ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang Tropical Storm Leon 1,195 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Dahil patuloy ang pagkilos ng bagyo pakanluran kung saan medyo lumalapit ito sa kalupaan ng bansa, inihayag ng PAGASA na posibleng itaas ang Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan Valley at northeastern portion ng Bicol Region mamayang gabi.
Samantala, inaasahang unti-unting lalakas ang bagyo sa susunod na 24 oras at posibleng itaas sa severe tropical storm category bukas madaling araw, Lunes, Oktubre 28.