Malaking bahagi ng kamusmusan ng isang tao ay ang takot na madalas ay dulot ng mga palabas sa telebisyon na nagtatampok ng mga kuwentong aswang, multo, maligno, at kung ano-ano pang masasamang elemento, lalo na sa tuwing sasapit ang Undas.
Masasabing ito ang dahilan kung bakit kinatatakutan ng mga bata na lumabas kapag darating ang gabi o kakagat ang dilim. Pero mabuti rin naman daw ang matakot paminsan-minsan.
Tumatalas daw kasi ang pakiramdam ng isang tao kapag natatakot. Mas nakikita raw ang mga dapat makita. Mas nararamdaman ang mga dapat maramdaman. Sa madaling sabi, nagiging alerto.
Kaya naman balikan ang sampung makapanindig-balahibong palabas na siguradong nagkaroon ng malaking parte sa takot mo noon habang lumalaki.
1. Magandang Gabi…Bayan (1988-2005)
Popular para sa mga batang ‘90’s ang news magazine program na “Magandang Gabi…Bayan” (MGB) kung saan nagsilbing host ang batikang broadcast-journalist na si Noli De Castro. Nakasentro ang programang ito sa public service at investigative journalism. Ngunit higit itong nakilala sa pagtatampok ng mga kuwentong kababalaghan sa iba’t ibang bahagi ng bansa tuwing sasapit ang Undas.
Sa katunayan, dala ng pagka-miss ng mga batang ‘90s, muling inere ang ilang episodes ng nasabing programa noong 2016 na pinamagatang “Gabi ng Kababalaghan” bilang bahagi ng Halloween special.
Naitampok din sa Rated K noong 2018 ang mga makapanindig-balahibong karanasan ni De Castro tuwing ginagawa nila ang Halloween special ng “MGB.”
2. !Oka Tokat (1997-2002)
Itinuturing ang “!Oka Tokat” bilang longest-running horror show sa Philippine television. Pero bukod sa takot, may kilig ding hatid ang nasabing programa. Tampok dito ang mga artistang sina Ricky Davao, Diether Ocampo, Jericho Rosales, Angelika dela Cruz, Paolo Contis, at Agot Isidro.
Makalipas ang isang dekada, tinangka ng ABS-CBN na sundan ng season 2 ang serye na may bagong set ng mga karakter sa katauhan nina Paul Salas, Sue Ramirez, Jane Oineza, Joshua Colet, at Makisig Morales.
Ngunit tumagal lamang ito ng tatlong buwan.
3. Kakabakaba (2000-2002)
Isang weekly horror-fantasy series ang “Kakabakaba” na umere sa GMA Network nang dalawang taon. Tampok sa seryeng ito ang mga artistang gaya nina Alessandra De Rossi, Sherilyn Reyes, Long Mejia, Ogie Alcasid, Ara Mina, at marami pang iba.
4. Verum Est! Totoo Ba Ito? (2001)
Isang paranormal investigative show ang “Verum Est! Totoo Ba Ito?” kung saan nagsilbing host ang batikang brodcast-journalist na si Tony Velasquez. Umeere ito noon tuwing Miyerkules ng hapon.
Ilan sa mga kuwentong kababalaghang naitampok sa programa ay ang tungkol sa “Ang Babae sa Balete Drive,” “Pagtawid sa Kamatayan,” Crying Lady sa Kongreso,” “Faith Healer,” “Manor Hotel,” at marami pang iba.
5. Nginiig (2004-2006)
“Lumalakas ang bawat tibok, ang bawat pintig
Tuwing pumapasok sa dilim, nanginginig.”
Linggo-linggo ang hatid na takot ng horror reality show na “Nginiig” sa ABS-CBN. Sa pamamagitan ng mga artista, isinasadula nila ang kuwento ng mga taong nakaranas ng mga nakapangingilabot na pangyayari.
Nagsilbing host sa programang ito si Raymond Bagatsing na sinundan naman nina Jericho Rosales at Hero Angeles. May pagkakataon din daw na rumerelyebo bilang host sina Maja Salvador, Rayver Cruz, at John Wayne Sace.
6. Spirits (2004-2005)
Ang seryeng “Spirits” ay prequel ng pelikulang “Spirit Warriors” ni Chito Roño na naunang ilabas noong 2001. Itinampok dito ang kuwento ng walong kabataan na bagama’t magkakaiba ay pinagtagpo ng kanilang supernatural na kakayahan at ng layuning puksain ang pwersa ng kasamaan.
Pinagbidahan ang serye ng mga sumisibol na artista ng kanilang panahon na sina Rayver Cruz, John Wayne Sace, Michelle Madrigal, Serena Dalrymple, Joseph Bitangcol, Mico Aytona, Jiro Manio, at Maja Salvador.
7. Midnight DJ (2008-2011)
Isang weekly suspense-horror anthology ang “Midnight DJ” na umeere kada Sabado ng gabi sa TV5.
Tungkol ito sa radio DJ na lumulutas ng paranormal problems ng kaniyang mga tagapakinig kasama ang buong team ng fictional radio station New City Radio o LXFM.
Ang unang season ng Midnight DJ ay pinagbidahan ng aktor na si Paolo Contis bilang Patrick. Ngunit kalaunan ay pinalitan siya ni Oyo Sotto bilang Samboy sapagkat pumirma na ng kontrata sa GMA Network si Paolo.
8. Patayin sa Sindak si Barbara (2008)
Bago pa man maging serye ang klasikong “Patayin sa Sindak si Barbara,” nauna na itong maisapelikula noong 1974 kung saan bumida si Susan Roces bilang titular character at sa remake nito noong 1995 ay si Lorna Tolentino.
Nakasentro ang kuwento ng serye sa magkapatid na Barbara at Ruth na parehong nahulog ang loob sa isang lalaking si Fritz. Ngunit sa huli ay nagpaubaya si Barbara sa kapatid. Isinuko niya ang kaniyang pagmamahal kay Fritz. Nang ikasal ang dalawa, nagpakalayo-layo si Barbara at pumuntang Amerika. Pero napilitan siyang umuwing muli nang mabalitaan niyang nagpakamtay si Ruth.
9. Misteryo (2010-2011)
Unang umere ang horror reality show na “Misteryo” sa QTV noong Enero 2010 tuwing Linggo, 10:00 pm. Kalaunan, inilipat ito sa GMA Network noong Disyembre sa pareho ring taon.
Nagsilbing host sa programang ito ang aktor na si Ryan Eigenmann kasama ang mga paranormal expert upang talakayin ang mga hindi maipaliwanag na pangyayari.
At bilang host na nakakasamang pumunta sa mga lugar na nababalutan ng misteryo, hindi maiwasang makaranas din si Ryan ng kababalaghan.
Sa ulat ng GMA Integrated News noong Oktubre 2014, ibinahagi raw ni Ryan sa isang panayam ang karanasan nito nang pasukin ng “Misteryo” team ang Manila City Hall.
Ayon kay Ryan, “[It was a] Spanish-looking lady wearing old period clothes. [Apparently, she] asked me for help because she didn't know why she was still there. I think she knew she was dead, pero 'di niya alam bakit 'di siya maka-move on. And she felt an attachment with me because I look Spanish.”
Bagama’t aminadong nakaramdam ng takot, mas nangibabaw daw sa kaniya ang kagustuhang makapag-explore sa mga gano’ng pagkakataon.
10. Hiwaga (2013)
Hindi pa man kumakagat ang dilim, tila may dahilan na agad para matakot tuwing Biyernes ng hapon dahil sa “Hiwaga” ng broadcast-journalist na si Atom Araullo.
Pero hindi lang naman takot ang hatid ng Hiwaga ni Atom kundi bagong perspektibo rin kung tutuusin.
Ayon sa isang panayam sa kaniya noong 2013, hamon para sa kanila kung paano ilalatag sa programa ang mga kagila-gilalas na paksa sa paraang bago.
“Because the topic of the paranormal has been around for a long time. One of the favorite topics of people, in fact,” wika niya.
“But sometimes,” pagpapatuloy niya, “the discussion is not very in-depth and a little limited. [...] We have to explore the other aspects of these phenomena and hopefully give the viewers a little bit more.”
Kaya naman nagtangka rin siyang kunin ang panig ng iba’t ibang dalubhasa hindi lang ang pananaw ng mga paranormal expert.
“So that we may be able to demystify some of the things that are long-held sometimes misconceptions and other traditions,” saad ni Atom.
Alin sa mga palabas na ito ang pinaka-namiss mo at gusto mo ulit makitang umere, ka-Balita?