Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang dalawang bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong Sabado, Oktubre 26.
Sa public weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Daniel James Villamil na huling namataan ang Severe Tropical Storm Trami (dating Kristine) 630 kilometro ang layo kanluran ng Bacnotan, La Union.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Kimikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Ayon kay Villamil, inaasahang liliko ang paggalaw ng bagyong Trami mula Lunes, Oktubre 28, hanggang Miyerkules, Oktubre 30, at muling lalapit sa western boundary ng PAR.
Samantala, huling namataan ang tropical storm na may international name na Kong-rey 1,825 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kimikilos ang bagyo pa-northwest sa bilis na 35 kilometers per hour.
Ani Villamil, posibleng pumasok sa loob ng PAR ang bagyo sa bukas ng madaling araw, Linggo, Oktubre 27.
Kapag nakapasok na ng PAR, pangangalanan ang bagyo na “Leon” at ito ang maging ika-12 bagyo sa bansa ngayong taon.