Paparating na muli ang All Saints’ Day at All Souls’ Day na mas kilala sa Pilipinas bilang “Undas”, ang okasyon kung saan ginugunita ng bawat isa ang kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.
Ngunit, bakit nga ba “Undas” ang tawag sa "All Saints' Day" dito sa Pilipinas?
Base sa isang ulat ni Kuya Kim Atienza sa “24 Oras” ng GMA Integrated News, sinabi ng propesor ng Philippine studies na si Schedar Jocson na ang nakagawian ng mga Pilipinong paikliin ang mga salita ang dahilan kung bakit nabuo ang salitang Undas.
Noong panahon daw ng Kastila, ang tawag sa okasyon kung saan ginugunita ang mga santo ng simbahan ay “Dia Delos Todos Santos,” ang wikang Espanyol na ang ibig sabihin din sa Ingles ay “All Saints’ Day.”
Ayon naman sa isang ulat, nakuha raw ang “Dia Delos Todos Santos” sa salitang Espanyol na “Honrar" na ang ibig sabihin ay "to honor.” Dagdag pa rito, “Honras” naman ang “noun” o “pangngalan” na ang ibig ipabatid ay isang taong nagbibigay-pugay o sa madaling salita: “you honor.”
Dahil nahihirapan naman ang mga Pilipinong bigkasin ang nasabing wikang banyaga nang mga sandaling iyon, pinaikli nila ang salita mula sa “Honras” hanggang sa naging “Undas” ito.
Sa kasalukuyan ay ginugunita ang Undas tuwing Nobyembre 1 o ang All Saints’ Day at Nobyembre 2 o ang All Souls’ Day, kung saan nakagawian na ng mga Pilipino ang bumisita sa puntod ng kanilang namayapang mga mahal sa buhay upang ipagdasal at tirikan ito ng kandila at alayan ng bulaklak.
Biro pa nga ng ilan, sikaping dalawin sila kung ayaw mong sila ang dumalaw sa iyo.