Bayani kung itinuturing ngayon ng pamilyang naulila ng 75-anyos na si Roperto Esplago, matapos siyang malunod sa kasagsagan ng baha noong Oktubre 22, 2024 sa Nabua, Camarines Sur.
Naunang ibahagi ng anak ng biktima na si Kristine Esplago, ang kanilang pagdadalamhati sa pamamagitan ng Facebook post nitong Oktubre 24, 2024 kung saan inilahad niya ang sinapit ng kanilang ama.
“Tay, salamat sa pagiging hero namin. Hanggang sa huli mong hinga kami pa din ang iniisip mo,” saad ni Kristine.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Kristine na pinulikat at nalunod ang kaniyang ama matapos silang ipaggawa nito ng papag upang makaligtas sa baha.
“Iginawa mo Muna kami ng upuang papag sa bubong para makasurvive tayong lahat kaya lang sa paggawa ng balsa nilamig ka na at pinulikat, di ka na nakalangoy,” ani Kristine.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Kristine nitong Biyernes, Oktubre 25, sinabi niyang nalunod ang kaniyang ama, upang mailigtas ang kanilang pamilya mula sa tumataas na tubig baha kamakailan.
“Ang tatay ko po ay nalunod para mailigtas ang sampung buhay na na-trap sa bahay na nalubog po sa baha,” ani Kristine.
Ayon pa kay Kristine, nadugtungan daw aniya ng kaniyang ama ang buhay ng dalawa niyang anak, dalawang pamangkin, ang kuya at hipag niya, ang kaniyang ina at pinsan nito.
Matapos umabot ng lagpas tao ang baha sa kanilang tahanan, ang tanging naging tuntungan lamang daw nila ay ang papag na ginawa ng kaniyang ama, bago sila tuluyang mailikas sa evacuation center.
Nabanggit din ni Kristine, na hindi pa rin daw naililibing ang labi ng kaniyang ama na hanggang ngayon ay nasa funeral homes.
“Nasa funeral na po sya. Naembalsamo na rin. Hinihintay na lang po talaga ‘yung kabaong kasi Wala pong nagkasya sa kaniya doon,” saad ni Kristine.
Samantala, sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong sa pamilya Esplago, ibinigay ni Kristine sa Balita, ang kaniyang personal contact number: 09369243133.
Kate Garcia