Nagbabala sa publiko ang Cyber Security of the Philippines-CERT hinggil sa tinatawag nilang “social media poisoning,” na mapagsamantala raw, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Oktubre 24, 2024, ipinaliwanag ng naturang ahensya kung paano nga ba nananamantala ang ilan umanong content owners at online sellers sa pamamagitan ng isang link.
Anila, target nito ang ilang tao na naghahanap sa social media ng update at ilang larawan ng mga nasalanta ng bagyo.
“Targets: Worried family members, relatives, friends, loved ones and Bicolanos - seeking news, pictures or any information about the recent floods in Bicol Region,” anang ahensya.
Pinag-iingat din nila ang publiko sa sinasabi nilang “click, traffic, at profit.”
“Be cautious with pages, post and content creators exploiting the recent calamity for clicks, traffic, and profit - we are expecting this activity to evolve and be utilized for malicious link redirection,” saad pa ng ahensya.
Kalakip din ng naturang post ang isang larawan, kung saan isinasaad ng ahensya ang umano’y isang simbolo na letter “i” at link ng bawat litrato umanong nagsasaad ng balita tungkol sa kalamidad.
"If you see this sign on what look like a group of pictures or post related to the recent calamity or trending news, do not click it."
Ayon pa sa CERT, kapag pinindot daw ang letter “i” ay magreredirect lang aniya ito sa isang online shopping link na magdudulot ng traffic sa isang online seller, at posible pang kumita mula sa pamemeke ng impormasyon at larawan upang makabenta lamang.
Agad namang bumuhos ang pagpapalaganap ng netizens sa naturang babala ng CERT, kung saan umabot na ito sa 18k shares.
KATE GARCIA