December 23, 2024

Home BALITA

‘Stranded sa Siargao?’ Netizens, pinuna gobernador ng CamSur

‘Stranded sa Siargao?’ Netizens, pinuna gobernador ng CamSur
Photo courtesy: Bantay Nakaw Coalition/Facebook

Gumawa ng ingay sa social media ang isyung inuugnay ngayon sa gobernador ng Camarines Sur na si Luigi Villafuerte at ama niyang si dating Camarines Sur Representative Luis Villafuerte, na umano’y na-stranded daw sa isla ng Siargao dulot ng kanilang umano'y pamamasyal habang sinasalanta ng bagyong Kristine ang kanilang nasasakupang lalawigan.

KAUGNAY NA BALITA: Mga residente sa Bicol region, stranded dahil sa malawakan at lampas-taong pagbaha

Kaugnay nito, ilang larawan din ang kumalat na nagpapatunay umanong nasa Siargao pa ang mag-ama kasama ang aktres na si Yassi Pressman, na girlfriend ni Luigi.

Sa isang post ng Facebook page na “Bantay Nakaw Coalition,” nitong Miyerkules, Oktubre 23, 2024, ibinahagi nito ang ilang larawan ng mga Villafuerte sa umano’y nasa Siargao.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“SPOTTED: Mag-amang Governor at Congressman Luigi at LRay Villafuerte ng Camarines Sur, malungkot na stranded sa Siargao dahil sa Bagyong Kristine,” saad nito.

Agad naman itong inulan ng putakti ng netizens na tila dismayado dahil sa kalagayan aniya ng mga mamamayan sa CamSur.

“Sarap ng buhay ni Gov . Alm na dis mga bicolanos wag n paupuin ‘yan.”

“Well that's who you voted for Bicol.”

“‘Yan ang gobernor nagbabagyo na nasa galaan pa nice gov. Cam Sur mamulat na tayo.”

“Super sad nga na Gov sa Picture, kita naman po namin.”

“Sarap buhay diyan nalang kayo siargao pa sarap samantala mga bikolanos naghihirap sa baha.”

“Sarap buhay ng mga Villafuerte na mga trapo at kurap.”

Matatandaang isinailalim sa Signal #2 ang buong Camarines Sur at karatig pa nitong lalawigan dahil sa direktang epekto ng bagyong Kristine. Ilang local media rin ang nag-ulat na umabot na sa lampas taong baha ang naranasan sa CamSur kung saan, ilang residente pa umano ang na-trap at nananawagan ng agarang rescue sa kanilang lugar.