Namataan si dating Vice President at tumatakbong mayor ng Naga City na si Atty. Leni Robredo na nakalusong sa maputik na baha sa pamimigay ng malinis na tubig at relief goods sa kaniyang mga kababayan sa Naga City, Camarines Sur.
Isa ang CamSur sa Bicol region na matinding nakaranas ng hagupit ng bagyong #KristinePH at naapektuhan ng malubhang pagbaha.
Makikita sa Facebook page ng "Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership" ang ilang mga larawan ni Robredo habang kasa-kasama ang iba pang volunteers at namamahagi ng relief goods. Ang mga larawan ay kuha ng isang nagngangalang "Egine Oquindo Baral."
"Sinuong ni former VP Leni Robredo ang mataas na baha para maghatid ng malinis na tubig at relief goods sa mga kababayan natin sa Naga City," mababasa sa caption.
Matatandaang nakipagtulungan ang Angat Buhay Foundation, ang non-government organization (NGO) na itinatag ni Robredo sa Kaya Natin! para sa pagsasagawa ng relief operations sa mga nasalanta ng bagyo.