Hinamon ng showbiz insider-TV host na si Ogie Diaz ang mga tumatakbo sa pagkasenador at partylist na ito na raw ang pagkakataong magpakitang-gilas at tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa Bicol region, partikular sa Camarines Sur.
Aniya sa kaniyang Facebook post, "O, yung mga tatakbong senador diyan at partylist, o! Eto na ang pagkakataon nyo para tulungan ang Camsur. Para patunayan kung talagang para sa tao kayo."
"Lalo na yung mga nakaupo doon, baka me mga resibo ng pagtulong, pag-ayuda at pag-rescue kayo na pwedeng ilabas para hindi kayo nadya-judge, ilapag na dito."
Giit pa ni Ogie, mas nakikita pa raw niya ang aksyon ng dating Vice President na si Atty. Leni Robredo at kaniyang Angat Buhay Foundation.
"Si Mam Leni Gerona Robredo na walang posisyon at ang Angat Buhay ang madalas naming makitang tumutulong."
"Kilos na dahil nakakahiya naman kung during campaign period lang kayo makikita. Nakakahiya naman sa inyo," giit pa ni Ogie.
Si Ogie ay kilalang isang certified Kakampink at tagasuporta ng Leni-Kiko tandem noong nagdaang May 2022 national elections.
Samantala, matatandaang ibinalita ng foundation ni Robredo na nakalikom na sila ng ₱4M para sa donation drive para pantulong sa mga biktima ng bagyong Kristine.
MAKI-BALITA: Angat Buhay, Kaya Natin, nakalikom ng ₱4M sa loob ng 10 oras