Nagkalat sa social media ang mga larawan ng ilang convenient store na pinaniniwalaang pinasok at pinagnakawan daw ng ilang residente sa Naga City dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Oktubre 23, 2024, ibinahagi ng netizen na si Carlo Kenneth Brizuela ang mga larawan, na nagpapakita ng ilang kalalakihang bitbit ang alak na animo’y kinuha sa isang convenient store.
“Kalamidad na kita, nakua pa maghabon kang mga daeng supog na ni! Mga mapagsamantala porke napasa ang salming kang 7/11 Ateneo Ave subagong aga. Hay buhay,” ani Brizuela.
“May kalamidad na nga, nakuha pang magnakaw at manamantala ng ilan sa 7/11 Ateneo Avenue. Hay buhay.”
Samantala, bukod sa naturang convenient store, isang supermarket din ang naiulat na pinagnakawan daw ng ilang residente.
Nilinaw ng Cabral Bicolandia Supermarket (CBS) na hindi raw sa kanila ang kumakalat umanong Facebook post na nagsasabing pinamimigay daw nito ang kanilang mga paninda.
Nitong Miyekules pa rin, tahasang inamin ng CBS na sila ay ninakawan, taliwas sa kumalat na umano’y fake news.
“The circulating post claiming that CBS is giving away free groceries is FALSE. The establishment was forcibly entered, and people entered without permission,” anang CBS.
Nanghingi rin ng tulong ang CBS na maisuplong ang ilang mamamataang pumapasok sa pasilidad ng naturang supermarket nang wala raw nilang pahintulot.
“If you see anyone entering the store without proper authorization, please report it immediately,” dagdag pa ng CBS.
Sa panayam naman isang local media outlet sa CBS, iginiit nito na tinangay rin ng mga nagnakaw sa kanilang tindahan ang kanilang vault at natirang pera sa kanilang kaha.
Nakatakda na rin daw sana silang magsagawa ng relief operation, ngunit tila naunahan na raw sila ng mga residente na pakyawin ang pang-donation goods nila.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang lokal na pamahalaan ng Naga City hinggil sa looting incidents na naiulat sa kanilang lugar.
Kate Garcia