Nagbahagi ng tulong ang Office of the Vice President (OVP) sa Bicol region nitong Miyerkules ng gabi, Oktubre 23, sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng opisina ni Vice President Sara Duterte ang pagsasagawa nila ng relief operations sa pamamagitan ng kanilang Bicol Satellite office.
“Agad na umaksyon ang mga kawani ng Office of the Vice President sa Legazpi City ngayong gabi, October 23, 2024 para sa mga naapektuhan ng Bagyong #KristinePH,” anang OVP sa kanilang post.
Nakapagbahagi raw ang mga kawani ng opisina ng hot meals at bottled waters sa mahigit 1,000 frontliners at responders mula sa Legazpi City at Daraga DRRMO (Disaster Risk Reduction and Management Office), Daraga Public Safety Officers, Legazpi City 911 Command Center, Albay Provincial Safety and Emergency Management Office, Legazpi City Police Station, and Community Police Stations.
Dagdag ng pahayag, nagpaabot din ang OVP ng tulong sa mga apektadong pamilya sa mga barangay ng Ems Barrio, Lapu-Lapu, Bitano, at maging sa mga apektadong estudyante mula sa Bicol University Legazpi at Daraga campuses.
Ang naturang relief operations ng OVP ay kasunod ng pagsasagawa ng Office of the Vice President Disaster Operations Center (OVP-DOC) ng planning at coordination sa Local Government Units (LGUs) ng mga lugar na naapektuhan ng bagyong Kristine.