January 23, 2025

Home FEATURES BALITAkutan

ALAMIN: Mga dapat tandaan ngayong papalapit ang Undas 2024

ALAMIN: Mga dapat tandaan ngayong papalapit ang Undas 2024
Photo courtesy: MB

Ang pagpunta sa sementeryo tuwing Undas ay bahagi na ng tradisyon ng maraming pamilyang Pilipino—gayunpaman, sa dami ng mga dadagsang tao upang dalawin ang kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay, nararapat lamang na tiyakin ang kaligtasan ng lahat.

Narito ang ilang mahahalagang paalala mula sa local government unit (LGU) upang siguraduhing ligtas ang lahat habang bumibisita sa sementeryo.

1. Siguraduhing maayos at komportable ang suot na damit

Para sa lahat ng edad, makatutulong ang pagsusuot ng tamang kasuotan na nagbibigay proteksyon laban sa init at mga lamok.

BALITAkutan

Nanay at mga anak niya, nakaranas ng kababalaghan sa Labubu dolls?

Siguraduhing presko at magaan ang suot, lalo na’t madalas mainit at maraming tao sa sementeryo. Para madaling makita ang kasama, lalo na kung maraming tao, maganda rin ang pagsusuot ng matingkad na kulay.

Makakatulong din ang pagdamit ng makukulay na kasuotan sa mga bata para madali silang matukoy sa gitna ng maraming tao. Kung maaari, kumuha ng larawan ng kanilang suot bago umalis ng bahay para may kopya sakaling mawala sila.

2. Magdala ng alcohol, wipes, at insect repellent

Hindi maiiwasan ang iba't ibang dumi at mikrobyo sa sementeryo, kaya mahalagang magdala ng mga personal hygiene kit tulad ng disinfecting wipes at alcohol upang mapanatiling malinis ang mga kamay. Magdala rin ng insect repellent upang maiwasan ang mga kagat ng iba't ibang insekto, kagaya na lamang ng lamok.

3. Magbigay ng paalala sa bawat kasama bago umalis

Para sa mga magulang, nakatatanda, at buong pamilya, mahalaga ang pagpaplano at pagbibigay ng paalala bago umalis. Ituro ang mga posibleng emergency procedures at paalalahanan ang lahat na manatiling magkakasama. Kung may mga bata o matatandang kasama, mahalaga ang pagkakaroon ng meeting place kung sakaling magkahiwalay o mawala.

4. Tiyakin na alam ng lahat ang mahahalagang impormasyon

Para sa lahat ng miyembro ng pamilya, lalo na ang mga bata at matatanda, mahalagang alam nila ang mahahalagang impormasyon tulad ng kanilang buong pangalan, address, at contact number ng mga kasama. Maaari ding pagdalhin ang lahat ng identification card para madaling makilala sakaling magkahiwalay sa gitna ng maraming tao.

5. Bantayan ang isa’t isa sa lahat ng oras

Sa maraming tao, madali ang maligaw o mawala, kaya mahalagang bantayan ang bawat isa. Magandang ideya ang pagbibigay ng mga bagay na pwedeng pagkaabalahan, tulad ng mga libro o gadgets, upang manatiling nasa isang lugar. Sa ganitong paraan, mas madaling mabantayan ang bawat miyembro ng pamilya lalo na ang mga bata.

Karagdagang paalala para sa Undas

1. Bago umalis ng bahay, tiyaking naka-lock ang mga pinto, naka-unplug ang mga saksakan ng appliances at walang nakasinding kandila, kuryente o bukas na gas stove.

2. Kung magdadala ng sasakyan, tiyaking roadworthy ito at sundin ang mga safety checks tulad ng BLOWBAG (Battery, Light, Oil, Water, Brakes, Air, Gas). Kung

3. Kung magko-commute, iwasan ang pagsusuot ng mga alahas at magdala lamang ng sapat na halaga ng pera.

4. Habang nasa sementeryo, siguraduhing alam kung nasaan ang mga first aid stations at mga assistance booths ng PNP para handa sa oras ng emerhensiya.

5. Bantayan din ang mga gamit upang maiwasan ang sunog o pagkawala ng mahahalagang kagamitan.

6. Alamin kung ano mga bawal dalhin sa sementeryo alinsunod sa utos ng LGU:

- alak o inuming nakalalasing
- matatalas na bagay (gunting, cutter, kutsilyo o itak)
- malalakas na sound system (loud speaker)
- sigarilyo at vape
- baril o iba pang uri ng sandatang nakasasakit o nakasusugat
- kandilang walang lalagyan (upang maiwasan ang sunog)

Sa pagsunod sa mga paalala na ito, makatitiyak na magiging ligtas ang inyong paggunita ngayong Undas.

BASAHIN: Ilang LGUs naglabas na ng guidelines para sa Undas 2024

Mariah Ang