Magdamag na stranded ang ilang mga residente sa iba’t ibang lugar sa Bicol region dahil sa malawakang pagbaha dulot ng bagyong Kristine.
Sa lalawigan ng Albay, bumulaga sa social media ang ilang larawan at videos ng halos lampas-taong baha sa iba’t ibang lugar dito. Maraming residente rin ang nanawagan na ma-rescue sa nakalipas na magdamag.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng isang netizen na si Claudine Ludovice mula sa Libon, Albay nitong Miyerkules ng umaga, Oktubre 23, 2024, ang kasalukuyang sitwayson nila matapos silang ma-stranded sa kanilang bubong dulot ng lagpas taong pagbaha.
“WE NEED RESCUE ASAP PO! AS IN NOW NA MERON NA PO SENIOR AT 2 BATA SA BUBONG DITO SAMIN KAGABI PA. SILA LOLA CORA PEREZ SAKA 2 APO NIYA NILILIPOT NA PO SINRA PANIGURADO,” saad ng naturang post ni Ludovice.
Isinaad din ni Ludovice sa comment section ng kaniyang post ang banta umano ng tuluyang paglubog ng bubong na kanilang pinaglikasan dahil sa patuloy na pag-ulan.
Samantala, sa huling update ni Ludovice, papunta na umano ang rescue sa kanilang lugar, matapos ang kanilang magdamag na panawagan.
Ayon naman sa ulat ng isang local media outlet, hindi na rin madaanan ang isa pang kalsada sa Guinobatan, Albay matapos itong matabunan ng gumuhong mga lupa dulot ng landslide. Hindi na rin umano madaanan ang isa pang tulay sa Tiwi, Albay, matapos ang pagghuho nito dulot ng rumaragasang baha dahil magdamag na pag-ulan.
Matatandaang nauna ng isailalim ang buong lalawigan ng Abay sa “state of calamity” nitong Martes, Oktubre 22, dahil sa epekto ng bagyong Kristine.
Nagmistulang ilog naman ang ilang barangay sa Virac, Catanduanes, kung saan umabot hanggang baywang ang taas ng tubig sa nasabing lugar.
Samantala, ayon naman sa Facebook post ng isang netizen na si Erwin Pante Olarte nitong Miyerkules, Oktubre 23, kasalukuyang walang kuryente ang bayan ng Virac.
Sa ulat naman ng GMA News Regional TV, na-rescue na mula sa rumaragasang tubig baha ng Philippine Red Cross ang isang 20-anyos na babaeng naka-amba na umanong manganak mula sa lalawigan ng Sorsogon.
Iniulat na rin ng Bureau of Fire Protection Region Five, na nasaklolohan na nila ang ilang mag-anak na magdamag na na-trap sa kanilang tahanan dahil sa abot dibdib na baha sa bayan ng Pilar sa Sorsogon.
Ayon sa ulat ng isang local media outlet, nananatiling lampas tao na rin ang baha sa Camarines Sur at Camarines Norte, kung saan kasalukuyan pa rin ang pagsasagawa ng rescue mission para sa ilang residente pa umanong posibleng na-trap sa kanilang tahanan.
Samantala, bahagyang lumakas at bumagal ang pagkilos ng bagyong Kristine, ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
KAUGNAY NA BALITA: Bagyong Kristine, bahagyang lumakas; 26 na lugar nakataas sa signal #2
Kate Garcia