Mas lumakas pa at isa nang ganap na “tropical storm” ang bagyong Kristine, dahilan kaya’t itinaas na sa Signal No. 1 ang 24 lugar sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes ng umaga, Oktubre 22.
Sa update ng PAGASA dakong 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Kristine 390 kilometro ang layo sa silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
LUZON
- Eastern at central portions ng mainland Cagayan (Piat, Santo Nino, Camalaniugan, Tuao, Lal-Lo, Enrile, Gonzaga, Alcala, Amulung, Santa Teresita, Baggao, Buguey, Solana, Rizal, Santa Ana, Tuguegarao City, Gattaran, Peñablanca, Iguig, Lasam, Aparri, Allacapan)
- Isabela
- Quirino
- Southern portion ng Nueva Vizcaya (Alfonso Castañeda)
- Aurora
- Eastern portion ng Rizal (Tanay, Pililla, Jala-Jala)
- Eastern portion ng Laguna (Majayjay, Magdalena, Pila, Santa Cruz, Pagsanjan, Luisiana, Cavinti, Lumban, Kalayaan, Paete, Pakil, Pangil, Siniloan, Famy, Santa Maria, Mabitac, Nagcarlan, Liliw)
- Northern at eastern portions ng Quezon (Tagkawayan, Guinayangan, Buenavista, San Narciso, San Andres, General Nakar, Pitogo, San Francisco, Calauag, Pagbilao, Infanta, Lopez, Catanauan, Mulanay, Unisan, General Luna, Plaridel, Quezon, Alabat, Sampaloc, Padre Burgos, Macalelon, Mauban, Perez, Agdangan, Gumaca, Atimonan, Real, Lucena City, Lucban, City of Tayabas) kabilang na ang Polillo Islands
- Marinduque
- Romblon
- Camarines Norte
- Camarines Sur
- Catanduanes
- Albay
- Sorsogon
- Masbate kabilang na ang Ticao Island at Burias Island
VISAYAS
- Eastern Samar
- Northern Samar
- Samar
- Leyte
- Biliran
- Southern Leyte
MINDANAO
- Dinagat Islands
- Surigao del Norte kabilang na ang Siargao - Bucas Grande Group
Ayon sa PAGASA, inaasahang mananatili sa tropical storm category ang bagyong Kristine sa susunod na 24 oras.
Posible naman itong itaas sa “severe tropical storm” category bukas ng Miyerkules, Oktubre 22, kung saan maaari itong mag-landfall sa Isabela.
“It is forecast to reach typhoon category on Friday as it emerges over the West Philippine Sea. Since this tropical cyclone is still over the Philippine Sea, rapid intensification is not ruled out given the favorable environmental conditions,” saad pa ng PAGASA.