Pinaghahanap na ng pulisya ang posibleng suspek sa umano'y panghahalay sa isang kalilibing lamang na patay sa Carcar City, Cebu.
Ayon sa ulat ng "State of the Nation noong Lunes, Oktubre 21, nakita raw ng mga sepulturero sa sementeryo na nakaalis sa nitso ang kabaong ng 22-anyos na babaeng namatay dahil sa komplikasyon sa panganganak.
Nang tingnan daw ang loob ng ataul, makikitang nakataas na ang damit ng bangkay at nakababa naman ang panloob nito.
Kumuha na ng specimen ang mga awtoridad upang alamin kung ginahasa ba ang bangkay.
Kung mapatutunayang hinalay, maaaring makasuhan ang gumawa nito sa kaniya.
Ang necrophilia ay isang uri ng sekswal na pagnanasa o atraksyon sa mga patay na katawan o bangkay. Ito ay itinuturing na isang mental health disorder at ilegal sa maraming bansa.
Noong 2023, naghain ng panukalang-batas si North Cotabato 3rd district Representative Ma. Alana Samantha Taliño Santos na magpaparusa sa mga taong nakikipagtalik sa mga bangkay o tinatawag na "necrophilia."
Ang nabanggit na panukalang-batas ay House Bill (HB) No. 9598. Ayon sa mambabatas, wala pang ganitong batas sa Pilipinas kaya ito ang kaniyang isusulong.
Mababasa sa nabanggit na House Bill, "This bill aims to impose criminal and civil liabilities on offenders guilty of desecrating cadavers."
"The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall commit the crime of desecration of human cadaver as defined in this Act," dagdag pa.
MAKI-BALITA: Pakikipagtalik sa bangkay posibleng maparusahan na