Kahit malakas at buhay na buhay pa, pinaghahandaan na ng 92-anyos ang sariling kamatayan, dahil mula sa sariling gawang kabaong, perang gagastusin, kantang ipatutugtog, hanggang sa kung saan siya ililibing, ay nakahanda na.
Sa isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong Linggo, Oktubre 20, ibinahagi nila ang kuwento ni Lolo Sayling mula sa Palanas, Masbate.
Kuwento ni Lolo Sayling, pinaghahandaan niya ang kamatayan niya para wala na raw problemahin ang kaniyang pamilya. At isa sa paghahandang ginawa niya ay ang paggawa ng sarili niyang kabaong.
Natuto raw kasi siya no'ng namatay ang asawa niya kung saan gumastos daw siya ng P35,000 para sa kabaong lang ng kaniyang misis.
Ang disenyo ng kaniyang kabaong, na gawa sa punong Mahogany, ay sariling ideya lang daw niya.
"Naisipan kong gumawa ng kabaong para sa sarili ko para sa mga kamag-anak ko hindi na mahirapan," saad ni Lolo Sayling.
Bukod dito, plantsado na rin ang susuotin niyang damit. Pagmamalaki niyang iyon daw ang isinuot niya no'ng ikinasal siya.
"Ito ang damit ko no'ng kinasal kami at ito rin 'yong isusuot ko kapag namatay na ako dahil maayos pa naman, kasya pa naman," kuwento ni Lolo Sayling.
Nag-iwan na rin daw siya ng P1000 sa bulsa para may pambayad daw sa pari.
Dagdag pa niya, "Ang bayad sa pari at sa misa ay nandito sa bulsa ko. No'ng inihanda ko 'yong damit, nilagyan ko na ng P1000."
Nakahanda na rin ang lote sa sementeryo kung saan siya ililibing. Ani Lolo Sayling, doon daw nakalibing ang misis niya, mga kapatid at ina niya.
Tila sobrang pinaghahandaan talaga ni Lolo Sayling ang kaniyang pagyao dahil maging ang kantang pagtutugtugin sa kaniyang burol ay isinulat pa niya.
"Sinulat ko para kantahin nila kung mamatay na ako kasi 'di naman ako makakanta dahil patay na kaya basahin na lang nila," kwento ni Lolo Sayling.
Dagdag pa niya, "ang gusto ko talaga ay magpahinga ang pamilya ko 'pag nawala na ako. Wala silang problema, masaya sila. Ang iiyakan lang nila ay pagkawala ko lang. Hindi sila iiyak dahil sa paghingi ng tulong para sa akin."
"Diyos lang ang may alam kung hahaba pa ang buhay ko kasi gumawa ako ng sariling kabaong."
Mag-isa lang si Lolo Sayling sa Masbate dahil nasa Maynila ang anak niyang Willy na may sarili na ring pamilya. Hindi rin daw nakakauwi ang anak sa Masbate pero nagpapadala naman daw ito ng pera.
Sa huling bahagi ng episode, muling nagkita ang mag-ama sa tulong ng programa.
"Kuntento na ako sa aking buhay kasi matagal naman na ako dito sa mundo. Naranasan ko na ang lahat dito sa mundo, kasiyahan man o mga pasakit. Gusto ko na rin na kunin na ako," saad ni Lolo Sayling.