January 22, 2025

Home BALITA

Pagpapalabas ng tao, hayop sa news channels sa Afghanistan, ipinagbawal ng Taliban

Pagpapalabas ng tao, hayop sa news channels sa Afghanistan, ipinagbawal ng Taliban
Photo courtesy: Pexels

Nagsisimula nang itigil ng ilang news media sa Afghanistan ang paggamit ng video materials na nagpapakita ng mga tao at hayop.

Ito ay alinsunod umano sa kautusan ng Ministry for the Propagation of Virtue and the Prevention of Vice (PVPV) kung saan ipinag-uutos nito ang mahigpit daw na pagbabawal sa pagkuha ng mga larawan at videos ng lahat ng uri ng ‘“living things,” partikular na sa mga tao at hayop.

Sa ulat ng isang international news outlet, isang pribadong news company na Mah-e-Naw channel ang umere sa telebisyon sa Afghanistan kung saan tanging logo lang daw nito ang ipinakita habang nagbabalita.

Ang pagpapatupad ng nasabing kautusan ay parte raw ng batas ng gobyerno ng Afghanistan Taliban, upang tuluyan umanong maipatupad sa buong bansa ang Islamic Law, matapos silang makabalik sa kapangyarihan noong 2021 matapos talunin ang puwersa ng United States armies sa lugar.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Samantala, sa panayam pa rin ng international media outlet sa isang mamamahayag sa Afghanistan, sinabi nito kung paano umano magbabago ang porma ng pamamahayag sa naturang bansa.

“PVPV ordered all the Takhar regional (television) media that after the meeting they can do radio reports but cannot use visuals,” anang reporter.

Matatandaang minsan na ring ipinagbawal ng Taliban sa buong Afghanistan ang pagpapalabas at paggamit ng mga larawan ng tao at hayop noong 1996 hanggang 2001.

Ayon sa Council on Foreign Relations, ang Taliban ay binubuo ng mga armadong grupo bitbit ang matinding paniniwala ng relihiyong Islam at nabuo noong 1990s matapos umano ang pagpapatalsik nila sa Soviet occupation sa Afghanistan.

Ilang bansa rin ang kumikilala sa Taliban bilang mga teroristang grupo na isa sa mga kilalang alay ng teroristang grupo ng Al-Qaeda, na siya naman itinuturong suspek sa 9/11 bombing noon sa Estados Unidos.

Kate Garcia