Nagbigay ng tugon si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera para sa mga nagtatanong kung bakit may special ticket price para sa mga estudyante at guro ang pelikulang “Balota.”
Sa isang Instagram post ni Marian nitong Linggo, Oktubre 20, ipinaliwanag ni Marian na ang nasabing pelikula ay ginawa raw para makatulong sa lipunan.
“Ang ‘Balota’ ay ginawa namin para makatulong sa lipunan. At naniniwala kami (na nasa movie rin) sa kakayahan ng mga guro at estudyante para humubog ng mas magandang bukas para sa Pilipinas,” saad ng Kapuso Primetime Queen.
“Kita rin sa reactions ng mga teachers na nakapanood na na-inspire sila at nakita nila ang sarili nila kay Teacher Emmy. Kaya nga halos triple ang nanood noong Sabado, nadadagdagan ang screening time at dumadami ang nanonood araw-araw,” wika niya.
Dagdag pa ni Marian: “Ang pelikula ay mahalagang bahagi ng ating kultura at sining. Palawakin sana natin ang ating isip tungkol sa pag-appreciate nito.”
Sa kasalukuyan, mapapanood na sa mga sinehan sa bansa ang “Balota” na nagpanalo kay Marian bilang “Best Actress” sa ginanap na 20th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival awards night sa Ayala Malls Manila Bay noong Agosto.
MAKI-BALITA: 'Bonggang birthday gift!' Marian Rivera, 'Best Actress' sa Cinemalaya 2024