Iginiit ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na labag sa revised penal code ang naging pagbabanta ni Vice President Sara Duterte na itatapon niya ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa West Philippine Sea (WPS).
Matatandaang sa isang press conference noong Biyernes, Oktubre 19, isiniwalat ni Duterte na sinabihan umano niya si Senador Imee Marcos na itatapon niya ang katawan ng ama nilang si dating Pangulong Marcos Sr. sa WPS.
MAKI-BALITA: VP Sara, sinabihan si Sen. Imee na itatapon niya katawan ni Marcos Sr. sa West Philippine Sea
Kaugnay nito, sa panayam ng DZRH nitong Sabado, Oktubre 19, sinabi ni Remulla na nagulat siya sa mga binitiwang salita ni Duterte.
“Desecration of the dead 'yan. May violation sa Revised Penal Code ‘yan,” anang DOJ chief.
“Hindi rin nakakatawa yun eh. It does not speak of a sane and clear-thinking person. Iba na yun. Non-compos mentis (of unsound mind) na ‘yung pinangagalingan,” dagdag pa niya.
Hindi naman binanggit ni Remulla kung anong partikular na nilabag ni Duterte sa Revised Penal Code.
Habang isinusulat ito’y wala pang pahayag o reaksyon ang bise presidente sa naturang pahayag ni Remulla.