December 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Iba't ibang pamahiin sa burol at libing ng patay

ALAMIN: Iba't ibang pamahiin sa burol at libing ng patay
Photo courtesy: Pexels

Kilala ang mga Pilipino sa pagiging mapamahiin, na naisasalin sa bawat henerasyon, tungkol sa mga nakaugaliang gawin nang sa ganoon ay hindi mapahamak ang mga taong nabubuhay pa.

Ang pamahiin ay isang tradisyonal na paniniwala o kaugalian na batay sa mga nakagisnang ritwal, kultura, at mga kuwento ng mga sinaunang tao, na kadalasang walang siyentipikong batayan. Karaniwang inuugnay ito sa mga pangyayari o aksyon na pinaniniwalaang maaaring magdala ng swerte, malas, o iba pang mga kahihinatnan sa hinaharap. Madalas itong sinusunod bilang paraan ng pag-iwas sa kapahamakan o pagtiyak ng magandang kapalaran.

Ang mga pamahiin tungkol sa patay ay laganap sa Pilipinas at karaniwang sinusunod ng mga pamilya upang hindi magdulot ng kapahamakan sa buhay nila at dahil sa paniniwalang wala namang mawawala kung susundin ang mga ito. Bagama’t hindi na lahat ng kabataan ngayon, lalo na ang mga Gen Z ay lubos na naniniwala, marami pa rin ang sumusunod bilang bahagi ng pagpapahalaga sa tradisyon.

Kabilang sa mga ritwal ng pagluluksa ang pagdaraos ng lamay o burol bago ang libing, kung saan madalas lumitaw ang iba't ibang pamahiin. Bagama't ang ilan sa mga ito ay maaaring tila hindi naaayon sa modernong pananaw, marami ang naniniwalang "mas mabuti nang sumunod kaysa magsisi."

Human-Interest

BALITrivia: Si Santa Claus at ang kapaskuhan

Ayon sa The Asian Parent, nakasaad sa librong sinulat ni Neni Sta. Romana Cruz na may pamagat na “Don’t Take a Bath On A Friday (Philippine Superstition and Folk Beliefs)” ito ang mga karaniwang pamahiing sinusunod ng mga Pilipino tuwing may burol at libing, ayon sa matagal nang paniniwala ng ating mga ninuno.

Mga pamahiin sa burol:

1. Bawal magsuot ng pula o maliwanag na kulay

Isa sa mga pinakatanyag na pamahiin ay ang pagbabawal sa pagsusuot ng pula o anumang maliwanag na kulay sa burol at libing, maliban sa mga bata na pinapayuhan na isuot ang pula upang hindi raw makita ng mga kaluluwa. Karaniwan, itim o puti lamang ang sinusuot ng mga dumadalaw. Sa kamag-anak ng yumao, pinapayuhang magsuot ng itim na damit sa loob ng isang taon bilang tanda ng pagdadalamhati.

2. Bawal pagsuutin ng sapatos ang patay

Isa pang pamahiin ay bawal sapatusan ang nakaburol na bangkay dahil mananatili umano ang kaluluwa nito sa bahay, at kung may sapatos, maririnig ang yapak ng kaluluwa ng namatay kapag dumalaw siya sa bahay.

3. Bawal magsuklay ng buhok o maligo

Bawal ding suklayin ang buhok o maligo sa loob ng lugar ng burol, dahil ito raw ay malas. Puwede sila maligo pero hindi sa burol o lugar ng lamay.

4. Bawal tuluan ng luha ang kabaong

Mahihirapan ang kaluluwa sa kaniyang paglalakbay kapag natuluan ng luha ang kaniyang kabaong.

5. Bawal tumingin sa patay ang buntis

Upang hindi mahirapang manganak, hindi puwedeng tumingin sa patay ang buntis. Ang mga babae naman na may buwanang dalaw ay pinapayuhang huwag pumunta sa burol upang hindi bumaho ang kanilang regla.

6. Bawal magwalis sa lugar ng burol

Matataboy daw ang kaluluwa ng yumao kapag nagwalis, at posibleng madamay ang buhay ng mga kapamilya.

7. Bawal iwanan ang nakaburol nang mag-isa, dapat may nagbabantay rito

Dapat may gising tuwing gabi sa burol upang bantayan ang pumanaw, at upang maiwasang agawin ito ng masasamang kaluluwa tulad ng mga aswang. Ito rin ang dahilan kung bakit naging kaugalian ang pagsusugal sa lamay.

8. Bawal maglagay ng buong rosaryo sa patay

Upang maiwasang sumunod ang sinuman sa pamilya, ang rosaryong inilalagay sa kamay ng patay ay dapat na putol.

9. Bawal magpasalamat sa mga nakikiramay

Sa usapin ng mga bisita, bawal ang magpasalamat sa mga nakikiramay dahil tila nagpapakita ito ng pagkatuwa sa pagkamatay ng mahal sa buhay. Bawal din maghatid ng bisita sa pintuan ng burol dahil maaaring ito raw ay magdulot ng kamatayan sa susunod na maghahatid.

10. Bawal kumain ng pansit at malunggay

Pagdating sa pagkain, may mga pamahiin din tulad ng pagbabawal sa paghahanda ng pansit sa burol, dahil hahaba raw ang lamay. Ang pagkain naman ng malunggay sa burol ay iniiwasan dahil ang pagtanggal ng dahon ay sumasagisag sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga kapamilya.

11. Bawal umuwi diretso sa bahay, dapat magpagpag

Matapos ang lamay, hindi pinapayagan ang diretsong pag-uwi mula sa burol. Dapat dumaan muna sa ibang lugar para "magpagpag" na sinasabing makapipigil sa pag-uwi ng kaluluwa ng namatay kasama ang bumisita.

12. Bawal mag-uwi ng pagkain

Bawal magdala pauwi ng pagkain mula sa burol dahil pinaniniwalaang susundan ng kaluluwa ang sinumang gagawa nito.

13. Maglagay ng pera sa kamay ng patay

Naglalagay ng pera sa kamay ng namatay bilang pamasahe sa kabilang buhay, ngunit ito ay kinukuha bago ilibing at itinuturing na maswerte sa negosyo.

14. Bumulong sa patay

May paniniwala na kung bubulungan ng isang hiling ang patay, ito ay isasama nito sa langit at matutupad.

15. Paghuhugas ng kamay ng mga kaanak

Pinapayuhan din ang mga kapamilya ng pumanaw na maghugas ng kamay gamit ang malamig na tubig at dahon ng bayabas pagkagaling sa burol bilang pag-alis ng malas.

Narito naman ang ilan sa mga pamahiin patungkol sa paglilibing o paghahatid sa huling hantungan ng isang patay:

1. Bawal mabangga ang kabaong habang inilalabas

Kapag nabangga ang kabaong habang inilalabas ito, pinaniniwalaang may susunod na mamamatay sa pamilya.

2. Bawal lumingon sa pinanggalingan na punerarya o bahay

Ipinagbabawal ang paglingon sa pinanggalingang punerarya o bahay kapag nagsimula na ang prusisyon upang maiwasan ang malas. Dapat ding isama sa paglibing ang lahat ng bulaklak mula sa burol upang maiwasang masundan ang pagkamatay.

3. Pagtawid ng mga bata sa ibabaw ng kabaong

Lahat ng maliliit na bata ay kailangang itawid sa ibabaw ng kabaong bago ilibing upang hindi dalawin ng kaluluwa ang mga bata at para hindi sila magkasakit.

4. Pagtapon ng barya

Magtapon ng barya sa harap ng karo ng patay upang magsilbing pamasahe ng pumanaw patungo sa kabilang buhay.

5. Lahat ng bulaklak sa burol ay dapat isamang iibing

Bawal mag-uwi o kaya kumuha ng bulaklak, huwag din isama ang mga pangalan ng mga kamag-anak na nakadikit sa kabaong para maiwasan masundan ang pagkamatay

Sa kabila ng pagiging bahagi ng kulturang Pilipino, ang pagsunod sa mga pamahiin ay nasa pagpapasya ng bawat pamilya. Bagama't nananatili ang mga ito hanggang ngayon, mahalaga ang paggalang sa mga tradisyon bilang bahagi ng ating mayamang kasaysayan. Ang mga paniniwalang ito ay nagmula sa mga sinaunang kaugalian, na nagbibigay-halaga sa paghahanda sa paglalakbay ng kaluluwa patungo sa kabilang buhay.

Mariah Ang