Naglabas ng saloobin ang gurong kinuyog ng ilang netizens at pinagbintangang nagtuturo umano ng mali sa kaniyang mga estudyante.
Matatandaang nag-viral kamakailan ang Facebook post ng netizen na si Ben Ritche Layos kung saan ipinagtanggol niya ang gurong si “Teacher Anne” na kinuyog ng ilang netizens na nagsabing mali umano ang spelling nito sa “pangngalan” na Filipino translation ng “noun,” dahil “pangalan” daw dapat.
“Kids, go to school and study well. P.S: Ma'am is right to those who misunderstood this post,” ani Layos sa kaniyang viral post.
BASAHIN: VIRAL: Guro, ipinagtanggol nang ‘pagbintangang’ nagtuturo ng mali
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Anne, ibinahagi niyang hindi naman sumama ang loob niya sa natanggap na mga negatibong komento, ngunit naisip daw niyang nakalimutan ng mga ito ang mga napag-aralan nila noong sila ay estudyante.
“Ang naisip ko po agad nakalimutan na nila ang napag-aralan nila noon sa school. Ngayon alam na nila ulit ang ‘pangngalan’,” aniya.
Kaugnay nito, inihayag ng guro kung gaano kahalaga ang asignaturang Filipino para sa pagkatuto ng mga estudyante, kaya’t huwag daw sanang maging totoo ang naging usap-usapan kamakailan na plano umanong bawasan ang Filipino subject sa senior high school (SHS).
BASAHIN: Asignaturang Filipino sa SHS binabalak alisin, bawasan?
Sinabi ni Teacher Anne na hindi lamang isang asignatura ang Filipino, kundi isang mahalagang susi upang mapalalim ang koneksyon ng bawat Pilipino sa kanilang pinagmulan.
“Ang asignaturang Filipino ay kaugnay sa ating wika at kultura. Kung tatanggalin ito o babawasan, paano natin mapagyayaman ang ating kaalaman sa sariling wika at kultura,” aad niya.
Samantala, binanggit din ng guro ang sa tingin niya’y mga salik sa krisis sa edukasyon na nagdudulot din sa kakulangan ng kaalaman ng ilang mga Pilipino hinggil sa kanilang sariling wika.
Aniya, may pagkukulang pa rin umano pagdating sa suporta mula sa gobyerno, tulad ng kawalan ng sapat na textbooks, trainings para sa mga guro, at mga programang magpapalago sa wika.
Hindi rin daw maikakaila ang sobrang paggamit ng gadgets, na nagiging hadlang sa malalim na pag-aaral ng Filipino, gayundin ang kakulangan ng gabay mula sa mga magulang sa kanilang mga anak.
“Kung ang lahat ay matutugunan, magkakaroon ng sapat kaalaman sa Filipino at sa pagpapaunlad ng ating wika, gayundin ang pagpapahalaga sa ating kultura,” saad ni Teacher Anne.
Sa kabila ng mga problemang ito, naniniwala si Teacher Anne na posible pa ring muling pagyamanin ang wika at kultura ng bawat Pilipino.
Para kay Teacher Anne, sa pamamagitan ng tamang suporta mula sa pamahalaan, sapat na kagamitan, at ang pagkakaisa ng guro at magulang, ay muling masisindihan ang pagnanais ng mga kabataan na yakapin ang kanilang pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Mary Joy Salcedo, Mariah Ang