Pormal nang inimbitahan ng House Quad Committee si dating Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa kanilang susunod na pagdinig hinggil sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito.
Base sa sulat na may petsang Oktubre 18, 2024 na nilagdaan ni quad-committee chairperson Ace Barbers, gaganapin ang susunod na pagdinig sa Martes, Oktubre 22, dakong 9:00 ng umaga.
“The Joint Committee respectfully invites you to attend the said inquiry to provide valuable insights and shed light on the issues under discussion particularly on extra-judicial killings,” nakasaad sa imbitasyon ng komite kay Duterte.
Matatandaang sa isang panayam kamakailan ay sinabi ng dating pangulo na hindi siya aatras at handa siyang dumalo sa pagdinig ng House quad committee kung iimbitahan siya rito.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, handa raw dumalo sa pagdinig hinggil sa drug war: ‘Hindi ako aatras!’
Sinabi ito ni Duterte matapos niyang itanggi ang naging affidavit kamakailan ni retired police colonel Royina Garma na iniutos umano niya ang pag-aalok ng cash rewards para sa mga pulis na makakakumpleto ng misyon hinggil sa madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, nag-offer ng reward para sa drug war killings — Garma
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, itinangging nag-alok ng ‘cash rewards’ para sa drug war
Matatandaang inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno