November 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Board exam topnotcher na nagtasa ng lapis sa puntod ng ama, may tips sa board takers

Board exam topnotcher na nagtasa ng lapis sa puntod ng ama, may tips sa board takers
Photo courtesy: John Henry Tenorio (FB), John Henry Tenorio (TikTok)

Kamakailan ay hinangaan at kinaantigan ang viral TikTok video ng isang engineer na nagtasa sa harapan ng puntod ng kaniyang ama at naging topnotcher sa engineering board exam. 

Sa ulat ng ABS-CBN News, naantig ang netizens sa kuwento ng bagong Licensed Engineer na si John Henry Tenorio matapos niyang ibahagi sa TikTok post ang kaniyang makabagbag-damdaming preparasyon para sa Agriculture and Biosystems Engineers Licensure Exam (ABELE) noong Setyembre 2023.

Si Tenorio ay nagtapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering sa Central Luzon State University.

Bago sumabak sa exam, binisita niya ang puntod ng kaniyang yumaong ama at doon tinasahan ang mga lapis na gagamitin niya sa pagsusulit.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

“Since I kept my board exam preparation a secret from my family… Two days before I traveled to Baguio for the exam, I decided to visit my father’s grave. The timing felt significant because the exam would be held in the same month as his birthday,” ani ni Tenorio.

Inilihim ni Tenorio sa kaniyang ina at mga kapatid ang pagkuha ng board exam upang isorpresa sila. Sa wakas, nagbunga ang kaniyang pagsusumikap at nakuha niya ang ika-4 na pwesto sa ABELE.

“Masaya din ako dahil kahit wala na ang Papa niya ay hindi niya nakakalimutan sa pagtupad ng kaniyang pangarap. Maraming salamat anak na kahit papaano ay natupad mo na Ang pangarap mo at pangarap namin ng Papa mo na makapagtapos ka at na kahit wala na si Papa,” ani Mommy Jennifer Tenorio

Para sa maraming kabataan, ang pagpili ng kurso sa kolehiyo ay madalas na bunga ng pangarap o passion. Ngunit para sa isang topnotcher sa Agricultural and Biosystems Engineering (ABE), hindi ito ganun kasimple.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Tenorio, ibinahagi niya ang kaniyang mga pinagdaanan noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang hanggang sa siya ay naghahanda para sa kaniyang examination, ipinaalam niya rin ang mga susunod na hakbang na kaniyang tatahakin ngayong isang ganap na siyang Licensed Engineer.

“Wala talaga akong dream course,” aniya,

Aminadong hindi siya naghangad ng partikular na kurso noong una. Ang tanging layunin niya ay kumuha ng programang pasok sa kanilang budget.

“Ang mga alam ko lang na engineering courses ay yung mga sikat gaya ng Civil, Mechanical, at Electrical Engineering,” dagdag pa niya.

Pero dahil sa mga scholarship mula sa DOST at PhilDev Foundation, napadpad siya sa ABE, isang desisyong hindi niya pinagsisihan.

"Grateful ako na dinala ako ng pagkakataon sa kursong ito dahil ngayon, mahal ko na talaga ang propesyong ito." saad ni Tenorio

Matapos makamit ang tagumpay sa pagsusulit ng board exam, hindi natatapos dito ang kaniyang mga pangarap.

Sa personal na buhay, ang ultimate goal niya ay mapagtapos ang kaniyang mga kapatid sa pag-aaral at makapagpundar ng sariling bahay at lupa para sa pamilya.

"We have been living like nomads for most of our lives. It is my ultimate goal to give this family a home we can call our own," aniya

Pinapakita ang masidhing hangarin na mabigyan ng mas matatag na tahanan ang kanilang pamilya.

Sa kaniyang propesyonal na buhay naman, plano niyang tapusin ang kaniyang master’s degree at mag-ambag ng kaalaman sa larangan ng research gamit ang kaniyang mga kakayahan sa GIS at remote sensing.

Nais din niyang makatulong sa mga review centers para sa mga future board exam takers, ibinabahagi ang kaniyang sariling mga karanasan at mga estratehiya upang magtagumpay.

Bagama't marami ang naaakit sa mga oportunidad sa ibang bansa, nananatiling tapat siya sa kaniyang pangakong manilbihan sa Pilipinas.

“Kahit may opportunity abroad, pipiliin ko pa rin sa Pilipinas,” aniya.

Bilang iskolar na sinuportahan ng buwis ng taong bayan, hangad niyang magbigay ng utang na loob sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang mga kakayahan para mapabuti ang sektor ng agrikultura sa bansa.

Hindi naging madali ang kaniyang paghahanda para sa board exam. Kinailangan niyang balansehin ang kaniyang self-review habang may mga pangakong hinaharap sa graduate school at sa pagiging lider sa isang organisasyon.

“Time management was a constant struggle,” aniya.

Bukod dito, itinago niya ang kaniyang board exam preparation mula sa pamilya at mga kaibigan, piniling akuin ang lahat ng pressure nang mag-isa.

Naging malaking hamon din ang laban sa self-doubt, lalo na’t maraming nag-aakala na nilaktawan niya ang 2022 exam para mag-top sa 2023.

Sa kabila ng lahat, nalampasan niya ang mga pagsubok sa pamamagitan ng determinasyon at suporta ng pamilya, na nagsilbing inspirasyon sa kanya.

Bukod sa sipag at tiyaga, ang pagdarasal ang kaniyang naging sandigan.

“I prayed hard—it was always at the top of my list,” aniya

Naglaan siya ng oras para humingi ng gabay sa Diyos sa bawat hakbang na kaniyang ginagawa. Siniguro rin niyang alagaan ang kaniyang katawan at isipan sa pamamagitan ng healthy diet, pagtakbo, at pag-iwas sa negatibong content sa social media.

Ang suporta ng kaniyang mga kaibigan, kaklase, at org mates ay naging mahalaga rin sa kaniyang tagumpay. Bagama’t hindi sila lahat alam ang kaniyang pinagdadaanan, pinakita nila ang pag-unawa at respeto sa kaniyang oras at espasyo.

"Their small gestures—like encouraging words, sharing study tips, or simply being patient—made a big difference," aniya

Nagpapasalamat siya sa tahimik ngunit mahalagang suporta ng kaniyang mga kasamahan.

Ngayon, matapos mag-top sa board exam at maging viral, masaya siyang nagagamit ang kaniyang kuwento para magbigay ng inspirasyon sa iba.

“What makes me happiest is knowing that my story has sparked hope in others,” aniya

Natutuwang siyang marinig na ang kaniyang paglalakbay ay nagbibigay lakas ng loob sa mga taong dumaraan sa parehong mga hamon.

Mula sa mga imbitasyon para sa interviews at speaking engagements, labis ang pasasalamat niya na kinikilala ang kaniyang karanasan bilang kapwa inspirasyon at motibasyon.

Para sa mga kabataang nagnanais na maging engineer at magtagumpay, ang payo niya ay simple ngunit makabuluhan.

“Never limit the effort you put into both the small and big demands of life. Success comes from consistently giving your best, no matter the task or challenge.” saad ni Tenorio

Ang TikTok video ni Tenorio ay umabot na sa 3.2M views at mahigit 506.1K likes, na nagbigay inspirasyon sa marami dahil sa kaniyang kuwento ng pagtitiyaga at tiwala sa sarili.

Mariah Ang