November 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano-ano nga ba ang pinakamatatandang sementeryo sa Pilipinas?

ALAMIN: Ano-ano nga ba ang pinakamatatandang sementeryo sa Pilipinas?

Ngayong papalapit na muli ang pagsapit ng Araw ng mga Patay, naisip ninyo rin ba kung saan-saan nga ba matatagpuan ang pinakamatatandang sementeryo sa Pilipinas?

Bukod sa bitbit na kuwentong kababalaghan, tila marami ring nakabaong kasaysayan sa bawat libingan. Kaya naman narito ang ilang mga sementeryong sinubok na ng deka-dekadang panahon:

La Loma Cemetery

Isa ang La Loma Cemetery sa kinikilalang pinakamatandang sementeryo sa buong bansa. Binuksan ito sa publiko noong 1884 matapos tumama sa bansa ang sakit na kolera, na siyang kumitil sa maraming buhay noon.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Noong panahon ng mga Espanyol, tanging mga katoliko lang umano ang maaaring mailibing sa naturang sementeryo. Ayon sa ulat ng ilang local media outlets, noong 2022 nang i-renovate ang isang simbahang nasa sentro ng nasabing sementeryo.

Paco Park Cemetery

Bago pa man maging isang ganap na parke sa sentro ng Maynila, isa ang Paco Park sa pinakamakasaysayang sementeryo sa Maynila. Ito ay naitayo noong 1807. Ayon sa isang local media outlet, dito rin daw nakahimlay ang mga labi ng tatlong paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora na sinentensyahan ng mga Espanyol ng bitay noong 1872. Maging ang mga labi daw ng Pambansang Bayaning si Jose Rizal ay minsan ding inihimlay dito noong 1896.

Manila Chinese Cemetery

Isa pang pinakamatandang sementeryo na matatagpuan sa kabisera ng bansa, ay ang Manila Chinese Cemetery na naitayo noong 1843. Taliwas sa pangalan ng naturang sementeryo, hindi lang daw limitado ang sementeryo sa mga ChiNoy noon na maihimlay dito. Kasama rin daw dito ang mga Kristiyano, Buddhist at Taoist.

Isa rin sa naihimlay dito bago tuluyang ilipat sa Batangas, ay ang labi nina Apolinario Mabini, Josefa Escoda at Vicente Lim.

Camiguin Sunken Cemetery

Hindi katulad ng mga naunang makasaysayang libingan, tila kakaiba naman ang kasaysayang humulma sa isang sementeryo sa Camiguin. Taong 1871 nang pumutok ang Mt. Vulcan na siyang nagpalubog nang tuluyan sa nasabing libingan. Naulat daw ito noong 1960s, dahilan upang mas lumalim pa ito sa dagat.

Tanging ang higanteng krus na lamang ang matatanaw sa nasabing libingan, na ngayo’y dinarayo na rin bilang isang tourist spot sa Camiguin.

San Joaquin Campo Santo

Taong 1892 naman nang maitayo ang isang Catholic cemetery sa Iloilo na tinawag na San Joaquin Campo Santo. Kilala ang nasabing libingan sa mga musuleo na nakatayo rito na sinubok na ng panahon at hango rin daw sa baroque architecture noon sa Espanya.

Nabalot naman ng kontrobersiya ang nasabing sementeryo noong 2016, na ayon sa ulat ng isang local media ay may ilang residente raw sa lugar ang nagtangkang mag-treasure hunting dito.

Manila North Cemetery

Hindi rin maaaring mawala sa listahan ang sinasabing pinakamalaking sementeryo sa bansa na Manila North Cemetery na binuksan noong 1904. Sa lawak at laki ng naturang libingan, nakahimlay din dito ang ilang mga kilalang personalidad sa kasaysayan ng bansa. Ayon sa isang local media, si dating Pangulong Manuel L.Quezon ang unang Pangulo ng bansa na inihimlay dito, bago tuluyang ilipat ang kaniyang mga labi noong 1979 sa kilala na ngayong Quezon City Memorial Circle.

Dito rin umano nakalibing ang dating asawa ni Andres Bonifacio na si Gregoria De Jesus at gayundin si Jose Basa, na naging kaibigan ni Rizal noon sa Hong Kong, naging kanlungan ng kilusang propaganda.

Ilan lamang ang mga nabanggit na libingan, sa mga sementeryong nilipasan na ng panahon ngunit nananatili pa ring buhay sa kasalukuyan.

Kate Garcia