Nag-react si senatorial aspirant at dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa in-edit niyang billboard na nag-viral kamakailan.
Matatandaang noong Martes, Oktubre 15, nang punahin ni dating national security adviser Clarita Carlos ang billboard ni Abalos kung saan mababasa ang “KALABAN NG KRIMINAL, BENHUR ABALOS” dahil maliit daw ang font size ng pang-ukol na “ng” at hindi gaanong napansin.
“To my good friend and former partner at NTF ELCAC: please ask your graphic artist to make visible the PREPOSITION… if you get my drift… hahaha!” caption ni Carlos sa kaniyang post.
MAKI-BALITA: Billboard ni Benhur Abalos, pinuna ni Clarita Carlos
Dahil sa hindi umano pansining pang-ukol na “ng”, pinalitan ito ng ilang netizens at ginawang “at”, dahilan kaya’t ang nasa billboard na “KALABAN NG KRIMINAL, BENHUR ABALOS” ay naging “KALABAN AT KRIMINAL, BENHUR ABALOS.”
“Nakakatuwa na meme-approved ang aming billboards! Pero no joke ang safety ng bawat Filipino,” pag-react naman ni Abalos sa kaniyang Facebook post kalakip ang actual at edited photos ng kaniyang billboard.
“Dapat maging alerto tayo laban sa misinformation at fake news. Dahil sa misinformation at fake news nahihirapan tayong makita at malaman ang katotohanan,” dagdag niya.
Samantala, sa nasabing post ay binanggit din ng dating kalihim ng DILG ang mga nailatag niyang programa na maaari pa umanong palawakin:
“Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) - na isang kabuuang pagtugon sa problema sa ilegal na droga. Sa ilalim ng BIDA, katuwang natin ang komunidad sa pagpapataas ng kaalaman tungkol sa masamang epekto ng droga. Bago ako umalis sa DILG, may 28,899 o 68% ng 42,045 mga barangay sa Pilipinas ang drug-cleared na.
Revitalized Pulis sa Barangay (RPSB) - para sa seguridad ng bawat mamamayan, nagkaroon na ng pulis sa bawat mga barangay. Sa tulong ng RPSB at iba pang mga public safety programs, bumaba ang insidente ng krimen ng 3.29% sa unang bahagi ng taong 2024.
Naaresto ang may 117,000 drug personalities at nakapagsagawa ng 93,000 bloodless drug operations.
Custody of high-profile personality. Sa ating pakikipagtulungan sa iba't-ibang ahensya, napasakamay na ng pamahalaan sina Alice Guo, Apollo Quiboloy at Teddy Meijia.”
Matatandaang noong Agosto 7, 2024 nang maghain si Abalos ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa pagkasenador para 2025 midterm elections, kung saan isa siya sa mga inendorso ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
MAKI-BALITA: PBBM sa senatorial slate niya: 'This will lead us to a stronger, more prosperous PH'
Dahil sa kaniyang senatorial bid, nagbitiw si Abalos sa puwesto bilang kalihim ng DILG, at pinalitan naman siya ni Cavite Governor Jonvic Remulla.
MAKI-BALITA: Abalos, tiwala sa kakayahan ni bagong DILG Sec. Jonvic Remulla