Halos isang linggo bago sumapit ang Undas, ilang local government units (LGUs) na ang naglabas ng guidelines tungkol sa mga magiging panuntunan nila sa nasabing okasyon.
Ang lungsod ng Maynila City, kung saan ang malalaking sementeryo katulad ng Manila North at South Cemetery ay nauna nang maglabas ng kanilang guidelines noon pang isang linggo.
Sa kanilang opisyal Facebook account na Manila Public Information Office, sinabi nito na magiging epektibo ang guidelines nila simula Oktubre 30, 2024 hanggang Nobyembre 3, 2024, kung saan sinabi nito na maaari lamang daw na pumunta ng North at South cemetery mula 5:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi. Sa Oktubre 26 naman daw maaaring dumagsa ang mga nagnanais umanong maglinis ng puntod ng kani-kanilang kaanak.
Ang lungsod naman ng Caloocan at Muntinlupa City, naglabas na rin ng kanilang panuntunan sa Undas.
Mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1 ng 6:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi maaaring bumisita sa sementeryo ang mga nasa Muntinlupa City habang sa Oktubre 28 naman nila pahihintulutan ang ilang maglilinis umano ng mga nitso at puntod ng kanilang kaanak.
Sa Oktubre 29 naman papayagan ng LGU ng Caloocan City ang paglilinis sa sementeryo habang sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2 naman ay pahihintulutan nila ang mga bisita sa mula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi.
Nananatili pa rin umanong ipinagbabawal ang mga matatalim na bagay, mga paputok at radio speakers sa pagbisita sa mga puntod.
Kate Garcia