“Kapag mission accomplished, yayayain ko sila sa restaurant, magkain kami and I congratulate them…”
Ito ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos niyang pabulaanan ang inihayag ni retired police colonel Royina Garma na iniutos umano niya ang pag-aalok ng cash rewards para sa mga pulis na makakakumpleto ng misyon hinggil sa madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
Matatandaang sa naging pagdinig ng House quad committee noong nakaraang Biyernes, Oktubre 11, emosyonal na ipinahayag ni Garma na iniutos umano ni Duterte ang pag-aalok ng reward para sa Oplan Tokhang sa bansa, na kapareho raw ng “template” sa Davao.
“The Davao Model involves three levels of payment of rewards. First is the reward if the suspect is killed. Second is the funding of planned operations, and the third is the refund of operational expenses,” pahayag ni Garma.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, nag-offer ng reward para sa drug war killings — Garma
Iginiit naman ni Duterte sa panayam ng programang "Gikan sa Masa, Para sa Masa” na inilabas ng SMNI nitong Sabado, Oktubre 19, na ang tanging recognition lamang daw na inaalok niya sa mga pulis ay ang pagkain nila sa restaurant at “dalawang boteng scotch.”
"Ang pinakaano sa akin (ng mga pulis) is kapag mission accomplished, yayain ko sila sa restaurant, magkain kami and I congratulate them,” giit ni Duterte.
“At saka palainom ang pulis. Bilhan mo ng dalawang boteng scotch… hindi ‘yan tatanggap ng pera. Nahihiya ‘yan,” saad pa niya.
Samantala, sa naturang panayam ay sinabi ng dating pangulo na handa siyang dumalo sa pagdinig ng House quad committee kung iimbitahan siya rito.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, handa raw dumalo sa pagdinig hinggil sa drug war: ‘Hindi ako aatras!’
Matatandaang inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno