January 23, 2025

Home BALITA National

Ex-Pres. Duterte, handa raw dumalo sa pagdinig hinggil sa drug war: ‘Hindi ako aatras!’

Ex-Pres. Duterte, handa raw dumalo sa pagdinig hinggil sa drug war: ‘Hindi ako aatras!’
(Photo courtesy: Ex-Pres. Rodrigo Duterte/FB)

Ipinahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya aatrasan ang pagdinig ng House quad committee hinggil sa extrajudicial killings (EJKs) ng war on drugs ng kaniyang administrasyon, at handa raw siyang dumalo kung iimbitahan siya rito.

Sa panayam ng programang "Gikan sa Masa, Para sa Masa” na inilabas ng SMNI nitong Sabado, Oktubre 19, sinabi ni Duterte na kung padadalhan siya ng imbitasyon ng House quad committee para dumalo sa kanilang pagdinig ay sasagutin niya ito nang positibo.

“They might want me to clarify, answer, or explain or whatever. I’m ready for that,” ani Duterte.

“Hindi ako aatras diyan. Sasagutin ko silang lahat, at marami akong sasabihin sa taumbayan," saad pa niya.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Samantala, sinabi rin naman ng dating pangulo na wala pa umano siyang natatanggap na imbitasyon mula sa Kamara.

Matatandaang sa naging pagdinig ng House quad committee noong nakaraang Biyernes, Oktubre 11, emosyonal na ipinahayag ni retired police colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na iniutos umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aalok ng reward para sa Oplan Tokhang ng administrasyon nito sa bansa, na kapareho raw ng “template” sa Davao.

MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, nag-offer ng reward para sa drug war killings — Garma

Itinanggi naman ito ng dating pangulo, at sinabing niyayaya lamang umano niya ang mga pulis na kumain sa restaurant kapag “mission accomplished” daw ang mga ito.

Matatandaang inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno