January 22, 2025

Home SPORTS

Basketball player ng Lyceum, nawalan ng malay matapos makabungguan isa pang player ng Arellano

Basketball player ng Lyceum, nawalan ng malay matapos makabungguan isa pang player ng Arellano
Photo courtesy: screenshot from NCAA Philippines/Facebook

Patapos na sana ang fourth quarter sa match-up ng Arellano University at Lyceum of the Philippines sa National Collegiate Athletic Association (NCAA), nang mahinto ito sa huling walong segundo matapos bumagsak at mawalan ng malay si LPU cager JM Bravo nitong Sabado, Oktubre 19, 2024.

Sa replay ng live telecast ng NCAA, makikitang bumangga ang bahagi ng ulo at mukha ni Bravo sa likuran at balikat ni Renzo Abierra ng Arellano, matapos ang tila agawan nila ng bola.

Agad na nawalan ng malay si Bravo na mabilis namang sinaklolohan ng kaniyang teammate nang subukan siyang kalugin, ngunit bigo silang mapabalik siya sa ulirat.

Kinailangang isakay sa stretcher si Bravo at agad umanong isinugod sa Cardinal Santos Hospital, ang pinakamalapit na ospital sa FilOil Eco Oil Arena sa San Juan City.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Samantala, ayon naman sa ulat ng GMA News, ang opisyal na media partner ng NCAA, may malay na raw si Bravo, bagama’t may kahirapan pa raw siya sa paghinga.

Matatandaang, kababalik lamang ni Bravo sa NCAA sa kasalukuyang second round meeting ng torneo, matapos siyang magkaroon ng clearance dahil sa isang spine injury.

Nakuha naman ng Arellano ang panalo sa dikdikang laban na nagtapos sa iskor na 90-86.

Kate Garcia