Isiniwalat ni Vice President Sara Duterte na sinabihan niya si Senador Imee Marcos na itatapon niya ang katawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang press conference nitong Biyernes, Oktubre 18, naitanong kay VP Sara kung nakallimutan na raw ba ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpalibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani.
Matatandaang ang pagpapalibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani ay kinumpirma ni dating Pangulong Duterte noong Agosto 2016. At nangyari ito noong Nobyembre 18, 2016.
"Hindi ko alam. Pero isang beses sinabihan ko talaga si Senator Imee sabi ko sa kaniya, 'Kung 'di kayo tumigil, huhukayin ko 'yang tatay ninyo, itatapon ko siya sa West Philippine Sea... One of these days, pupunta ako doon [Libingan ng mga Bayani], kukunin ko 'yang katawan ng tatay ninyo tapon ko 'yan doon sa West Philippine Sea.,' saad ni VP Sara.
Dagdag pa niya, "I don' think sumagot siya. Hindi ko maalala. Nandoon pa 'yun sa group chat mayroon mga nakakita na ibang tao."
Matatandaan ding halos sunod-sunod ang mga pahayag nina VP Sara at Pangulong Marcos Jr. tila laban umano sa isa't isa nitong mga nakaraang araw.
MAKI-BALITA: VP Sara, hindi 'isang kaibigan' si PBBM; nagkakilala lang dahil sa eleksyon
MAKI-BALITA: PBBM, inakala raw na magkaibigan talaga sila ni VP Sara: ‘Maybe I was deceived’
Habang isinusulat ito, wala pang pahayag si Senador Imee hinggil sa isiniwalat ni VP Sara.