“May panahon ka talaga na mag-isip na, ‘Uh, this girl’...”
Binuweltahan ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nilinlang umano niya ito nang sabihin niyang hindi sila magkaibigan.
Matatandaang sa panayam ng mga mamamahayag noong Biyernes, Oktubre 11, tinanong si Marcos hinggil sa kasalukuyan nilang relasyon ni Duterte.
“I don’t know anymore. I’m not quite sure I understand,” ani Marcos.
Nagbigay rin ng reaksyon ang pangulo sa naging pahayag kamakailan ng bise presidente na hindi sila magkaibigan at nagkakilala lamang umano sila noong nakaraang eleksyon at sinabing: “I am a little dismayed to hear that she doesn’t think that we are friends. I always thought we were, but maybe I was deceived.”
MAKI-BALITA: VP Sara, hindi 'isang kaibigan' si PBBM; nagkakilala lang dahil sa eleksyon
MAKI-BALITA: PBBM, inakala raw na magkaibigan talaga sila ni VP Sara: ‘Maybe I was deceived’
Sa isa namang press conference nitong Biyernes, Oktubre 18, kinuwestiyon ni Duterte ang naturang pahayag ni Marcos at iginiit na napakarami raw nitong oras.
“Nong narinig ko ‘yung deception, naisip ko pa, hindi ko na siya sasagutin kasi for the love of God, Presidente ka na. Importante pa ba 'yung nararamdaman mo?” giit ni Duterte.
“Diba kapag Presidente ka, hindi na importante 'yung pagod mo, 'yung luha mo? ‘Yung fatigue mo, ‘yung stress mo. Hindi na siya importante. Because when you are president, ang importante diyan ay ‘yung nararamdaman ng taumbayan, ‘yung bansa.”
"Talagang may panahon kang mag-isip about deception ng isang babae diyan? Ang dami mong oras. Hindi ba dapat iniisip mo na ‘yung mga taong gutom, ‘yung presyo ng gasolina, ‘yung darating na Christmas kung sino ‘yung maka-afford ng spaghetti, ng mango float, ng mga importante sa Noche Buena, sa mga bahay-bahay. So may panahon ka talaga na mag-isip na, ‘Uh, this girl’," saad pa niya.
Matatandaang naging mag-tandem sina Marcos at Duterte noong 2022 national elections sa ilalim ng ticket ng "UniTeam.”