November 24, 2024

Home BALITA National

Sara Duterte, ‘di nagsisising tumakbo bilang VP: ‘Ngayon, 'di nila ako matanggal!’

Sara Duterte, ‘di nagsisising tumakbo bilang VP: ‘Ngayon, 'di nila ako matanggal!’
Vice President Sara Duterte (Photo: Santi San Juan/MB)

Hindi raw nagsisisi si Vice President Sara Duterte na tumakbo siya bilang bise presidente ng bansa dahil mas mahirap umano siyang alisin ngayon sa puwesto kaysa kapag alkalde siya ng Davao City.

Sa isang press conference nitong Biyernes, Oktubre 18, sinabi ni Duterte na kahit pa ang naging running mate niyang Pangulong Bongbong Marcos o ang oposisyong si dating Vice President Leni Robredo ang nahalal noong 2022 elections, babantayan pa rin daw siya ng mga nakapalibot sa mga ito dahil sa paparating na 2028 national elections.

“Imaginin natin, parallel world, either sa kanila ang president ang then ako ang mayor. So I’m sure lahat ng mga nakapalibot sa kanila, titingin pa rin sila sa akin doon sa Davao City. Hahabulin pa rin nila ako doon sa Davao City,” ani Duterte.

Binalikan din ng bise presidente ang sinabi umano sa kaniya ni dating Senate President Manny Villar na hindi raw siya titigilan ng mga katunggali sa politika dahil sa magiging halalan sa 2028 para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

“Sabi niya (Villar), ‘Wala kang kawala diyan. Saan ka man magtago, saan ka man pumunta, hahabulin ka nila kasi tinitingnan nila ang 2028’,” ani Duterte.

“So I don't regret running for vice president kasi imagine ninyo, kung [Davao City] mayor ako at hinabol nila ako ngayon, ‘di ba? Napakadali nila ako i-suspend. Napakadali nila akong kasuhan. Napakadali akong tanggalin sa puwesto as mayor. Ngayon, 'di nila ako matanggal.

“They can drag me to hell. Pagdating nila ron ako pa rin ang presidente ng impiyerno,” saad pa niya.

Matatandaang naging usap-usapan kamakailan ang umano’y impeachment complaint laban kay Duterte sa Kamara. Ito ay matapos iginiit ni ACT Teachers party-list France Castro na “impeachable offense” umano ang maling paggamit ng pera ng bayan matapos maglabas ang Commission on Audit (COA) ng notice of disallowance ng ₱73 million sa ₱125-million na confidential fund ng opisina ni Duterte noong 2022.

Nanindigan naman si Duterte kamakailan na hindi siya magbibitiw sa kaniyang puwesto sa Office of the Vice President (OVP).

BASAHIN: Para sa 32 milyon na bumoto sa kaniya: VP Sara, nanindigang hindi siya magre-resign