Ibinahagi ng rapper na si Aristotle Pollisco o mas kilala bilang “Gloc-9” ang tila reyalisasyon niya ngayong 47th birthday niya.
Sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Oktubre 18, sinabi ni Gloc-9 ang tila madalas umanong naririnig tuwing umuusad ang edad ng tao.
“Kada taon madalas na nadidinig natin ang salitang TUMATANDA NA,” panimula ni Gloc-9. “Pero siguro mas may essence kung ang sasabihin natin ay ‘nag tatanda’ o kaya ‘natatandaa.’”
“NAGTATANDA sa lahat ng mga tisod, lahat ng subsob, lahat ng luha, lahat ng iyak, lahat ng sugat, lahat ng peklat, lahat ng tapilok, lahat ng mintis, lahat ng sablay, lahat ng Mali. Para maging mas magandang version tayo ng mga nakikita natin kapag nag sisipilyo tayo sa harap ng salamin,” saad niya.
Dagdag pa niya: “Sa isang banda puwede din ang NATATANDAAN. May kasabihan tayo na ‘kayang mag patawad pero hindi nakakalimot.’ Lahat ng mga Bato na ipinukol, lahat ng mga apir na peke, lahat ng lait, lahat ng Kantsaw pero insulto din, lahat ng sumbat, lahat ng angas, lahat ng panlalamang Lahat yan ay Natatandaan.”
Ngunit higit pa raw sa mga ito, inisa-isa rin ng rapper ang mas dapat matandaan: “Lahat ng Ngiti, lahat ng yakap na mahigpit, lahat ng masayang tawa, lahat ng Tulong, Lahat ng Akay, lahat ng Buhat, lahat ng unawa, lahat ng awa, lahat ng Pagmamahal.”
Kaya naman sa huli, nagpaabot ng pasasalamat sa lahat ng taong nagbigay ng mga ito sa kaniya
“Maraming Salamat sa inyo!” aniya.
Happy birthday, Gloc-9!