Nagsalita na ang Philippine Canoe-Kayak Federation (PCKF) matapos mag-viral ang ilang larawan ng Philippine Dragon Boat Team na nakasakay sa isang dump truck papunta ng kanilang training.
KAUGNAY NA BALITA: Pagsakay ng Philippine Dragon Boat Team sa ‘dump truck’ papuntang training, pinuna ng netizens
Sa isinagawang press briefing nitong Biyernes, Oktubre 18, 2024 dinipensahan ng Presidente ng PCKF na si Leonora Escollante ang kanilang ahensya hinggil sa mga negatibong komentong ibinabato ng netizens sa nasabing mga larawan.
“At ano po ang masama? Ano ang pagkakaiba na pasakayin ko 'yan, malinis naman 'yan. Brand new naman ang aming dumb truck,” saad ni Escollante.
Tanging sa nasabing dump truck lang din daw magkakasya ang nasa tinatayang 87 nilang miyembro upang sabay-sabay daw na maihatid sa training camp nila.
Giit pa ni Escollante, aminado umano sila na walang sapat na pondo upang ihanap ng mas maaayos na service ang kaniyang mga atleta kung kaya’t ginamit na lang daw nila ang sasakyan na mayroon sila.
“Personal po ito. Ako mismo ang nagdecide, kung ano lang ang mayroon tayo, magtiis tayo even the PSC, hindi ho kami nag-request,” ani Escollante.
Dagdag pa na niya, sila raw ay mga atleta at hindi beauty queens para umano ituring na “baby.”
“National athlete sila. Ito ay preparation for world championship. Bakit ko sila baby-behin? Hindi kami papuntang beauty pageant, na kailangan may cover, na kailangan disente sila. Hindi po. Atleta po kami, para kaming mga militar,” depensa pa ni Escollante.
Sinopla rin niya ang umano’y bashers nila sa pagpapasakay daw nila sa dump truck sa mga atleta.
"Kung ako lang po, hindi ko po kailangang magpaliwanag. Kase po kahit sino naman po, lalo't lalo na private po kami. Kahit ano pong gawin namin sa player namin, hangga't hindi niyo po nakikita na pinarusahan namin, wala po kaming dapat ipaliwanag."
Hiling din ni Escollante na suportahan na lang din daw ang koponan.
"So let's pray and support the national athletes. Huwag natin sirain. Ang ganda po ng purpose namin. Wala kaming masamang intensiyon."
Kate Garcia