December 23, 2024

Home FEATURES BALITAkutan

BALITAkutan: 5 katatakutang urban legend na patuloy na ipinapasa sa bawat henerasyon

BALITAkutan: 5 katatakutang urban legend na patuloy na ipinapasa sa bawat henerasyon
Photo courtesy: Freepik, Pexels, Flickr, Urban Legends Wiki

Ang mga urban legend ay mga kontemporaryong kuwentong bayan na madalas may tema ng katatakutan. Hindi tulad ng ibang mga alamat na tila nawawala sa paglipas ng panahon, ang mga ito ay nananatiling buhay, ipinapasa mula sa labi ng matatanda patungo sa mga susunod na mga henerasyon. 

Bilang mga Pilipino, likas na ang hilig ng mga Pinoy sa mga bagay na misteryoso at kababalaghan, kaya't maraming urban legend ang umiikot sa ating bansa. 

Narito ang listahan ng mga urban legends sa Pilipinas na hindi naluluma magpahanggang ngayon.

1. Ang Puting Babae sa Balete Drive

BALITAkutan

Nanay at mga anak niya, nakaranas ng kababalaghan sa Labubu dolls?

Isa sa pinakatanyag na multo sa Pilipinas ay ang tinatawag na White Lady. Halos lahat ng lugar sa bansa ay may bersyon ng kuwentong ito—isang babae na may mahabang itim na buhok at nakasuot ng puting bestida.

Kadalasan, ang White Lady ay isang babaeng may masalimuot na nakaraan—pinatay o namatay sa aksidente. Ngunit ang pinakasikat na kuwento ay ang White Lady ng Balete Drive sa Quezon City. Ayon sa mga bersyon ng urban legend, siya ay isang dalagang namatay sa isang aksidente o biktima ng panghahalay at pagpatay ng mga sundalong Hapon, o ‘di kaya'y ng isang driver ng taxi.

Sa gabing madilim, sinasabing nagpapakita siya sa mga drayber na mag-isang dumaraan sa Balete Drive. Minsan, bigla siyang lilitaw sa likuran ng sasakyan, duguan ang mukha at puro pasa. Sa ibang pagkakataon naman, nagpapatigil siya ng sasakyan, sumasakay, ngunit bigla na lang nawawala nang walang bakas. Kaya naman pinapayo ng mga nakaranas na huwag magmaneho ng mag-isa sa Balete Drive kapag gabi at siguraduhing puno ang sakay ng kotse sa likuran na bahagi.

2. Ang Pugot na Pari

Malaki ang tsansa na takutin ka ng matatanda noong bata ka pa ukol sa isang pugot na paring lumalabas mula sa iyong sugat. Bagaman tila katawa-tawa ito noon, ngayong ikaw ay mas matanda na, patunay lamang na buhay na buhay pa rin ang alamat ng mga pugot na pari, lalo na tuwing malapit na ang Undas.

Tulad ng pangalan nila, may mga kuwento na ang mga paring ito ay namamasyal sa mga unibersidad, sementeryo, simbahan, o anumang lugar na nakakatakot. Minsan dala nila ang kanilang mga ulo; minsan naman ay hindi, at tila hinahanap ito.

Ayon sa kuwento, pinugutan ng ulo ang mga paring ito ng mga rebolusyonaryong Pilipino o ng mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

3. Ang Babaeng Walang Ulo sa Jeep

Isang kuwento na nagpapakita ng panganib sa pagsakay ng jeep ng mag-isa sa gabi, lalo na para sa mga kababaihan. 

Nagsisimula umano ang kuwento sa isang babaeng sumakay ng jeep sa gabi, kung saan siya lang ang pasahero maliban sa tsuper.

Habang tumatakbo ang jeep, sinasabi ng babae kung saan siya bababa, ngunit sa halip na ihinto agad ng tsuper, tumitingin muna ito sa kaniyang rearview mirror. Nagpapatuloy ang takot ng babae dahil iniisip niyang may masamang balak ang tsuper. Pagkatapos ng ilang sandali, ibinaba rin siya sa kaniyang destinasyon.

Bago siya bumaba, binalaan siya ng tsuper na sunugin agad ang kaniyang mga damit dahil nang tingnan siya nito sa salamin, wala siyang ulo—isang masamang palatandaan ng kamatayan.

4. Ang Patay na Pasyente sa Elevator

May iba't ibang bersyon ang urban legend na ito, ngunit lagi pa ring nakakakilabot sa tuwing ikukwento.

Sa karaniwang bersyon, may doktor na sumakay sa elevator kasama ang isang pasyente. Habang papasok sila, may isa pang pasyente na nagmamadaling pumasok, ngunit agad na sinarado ng doktor ang pinto. Tinanong siya ng kaniyang kasama kung bakit hindi niya pinapasok ang isa pang pasyente.

Ipinaliwanag ng doktor na patay na ang pasyenteng iyon dahil suot niya ang pulang wristband na tanda ng kamatayan. Pagkatapos ng kaniyang sinabi, itinaas ng kasama niya ang kaniyang braso at ipinakita ang pulang wristband: "Tulad nito?"

5. Maria Labo

Isang tanyag na kuwento lalo na sa Visayas, si Maria Labo ay kuwento ng isang babaeng pinatay at niluto ang kaniyang sariling mga anak.

Maraming bersyon ng kuwento at hindi malinaw kung bakit niya ginawa ito. Sinasabi ng ilan na siya'y isang OFW na naging aswang matapos sumpain; ang iba naman ay nagsasabing siya'y isang pangkaraniwang tao na nabaliw.

Nang dumating ang kaniyang asawa at hinanap ang mga anak, sinabi ni Maria Labo na pinatay at niluto niya ang mga ito. Sa galit ng asawa, sinugatan niya ang mukha ni Maria gamit ang bolo, kaya't tinawag siyang "Labo." Simula noon, siya ay nagpapalaboy-laboy sa mga probinsya, naghahanap ng mga bagong biktima para sa kaniyang pagkagutom.

Ang mga alamat na ito ay patuloy na nagpapasindak sa mga Pilipino, na tila hindi maaalis ang interes sa mga kuwentong nakakakilabot.

Sa huli, ang mga urban legend ng Pilipinas ay hindi lang mga simpleng kuwento ng katatakutan. Sila’y mga paalala ng ating kultura—ng mga paniniwala, takot, at misteryo na bumabalot sa ating mga buhay. Sa bawat henerasyong dumaraan, patuloy ang kanilang pagkalat, na tila nagiging bahagi ng ating pagkakakilanlan.

Kate Garcia