Pormal nang pinasinayaan ang Sorsogon Sports Arena, ang pinakamalaki umanong sports complex sa buong Bicol region.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pagpapasinaya ng nasabing ₱1.2 bilyong arena, noong Huwebes, Oktubre 17, 2024 sabay sa pagdiriwang umano ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.
Sa bilyong halaga nito at lawak ng nasabing arena, ano-ano nga kaya ang mga pasilidad na mayroon dito?
Hango ang disenyo ng Sorsogon Sports sa tanyag na Rome Coliseum ng Italy. Taong 2018 nang simulan umano ang proyektong ito na noo’y nasa ilalim ng pangangasiwa ni Senate President Chiz Escudero bilang dating gobernador ng lalawigan.
Ayon sa ulat ilang local news media, tinatayang nasa 15,000 daw ang seating capacity ng SSA at kakayanin din daw na magkasya ang 54,000 na katao kung gagamitin ang kabuuang lawak ng nasabing arena.
Hindi lang daw limitiado sa sporting facilities ang SSA, dahil binubuo rin daw ito ng 139 mga kuwarto, kung saan 39 sa mga ito ay dorm type. Tinatayang mayroon naman daw kabuuang 560 bed capacity ang naturang arena.
Samantala, nasa 7.1 ektarya naman ang lawak ng Sorsogon Sports Arena na may walong rubberized lanes para sa track and field, habang ang naiwang espasyo pa ng arena ay laan naman daw para sa iba’t iba pang sporting events.
Bilang host sa darating na Palarong Pambansa sa 2027, inaasahan umano ng pamahalaan na malaki ang maitutulong ng brand new na mga pasilidad ng nasabing arena.